NAGIGING normal ngayon sa Marcos Jr. administration ang salitang suspension.
Kabilang sa mga nakatikim nito ay ang mga local government official na kontra sa mga polisiya ng kasalukuyang gobyerno.
Halimbawa diyan sina Cebu City Mayor Mike Rama at Davao del Norte Governor Edwin Jubahib.
Kapwa pinayagan ang pagsasagawa ng Maisug Peace Rallies sa kanilang nasasakupan.
Kaya ang bagong tatag na ‘Pilipino Tayo Movement’, pinuna ang nangyayari ngayon sa gobyerno.
“Ngayon ho ‘pag kumontra ka sa gobyerno, pag-iinitan ka. Bakit? Eh demokratikong bayan tayo ah? Malayang bayan tayo ah. Were supposed to have freedom to speak our mind,” pahayag ni Greco Belgica, Lead Convenor, ‘Pilipino Tayo Movement’.
Pinuna rin ng grupo ang labis na paggamit ng puwersa ng kapulisan sa religious compounds ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao City.
Ang operasyon, nagdulot ng trauma at hanggang ngayon, nananatili pa ring takot at nangangamba ang mga manggagawa ng simbahan.
“Ang pang-aabuso na ginawa sa ating bansa. Ang ating kalayaang magsalita, kalayaang mabuhay, ang kalayaan sa ari-arian. Doon sa Davao nakita natin! Bakit hindi natin mapigilan?” ani Belgica.
Hindi rin pinalagpas ng grupo ang pagsikil sa kalayaang magpahayag.
Kabilang sa nasampolan diyan ay ang SMNI na pinatawan ng indefinite suspension ng National Telecommunications Commission (NTC).
Sa network umeere ang TV Program ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pumupuna sa mga maling polisiya ng Marcos Jr. government.
“Tatanggalan ka ng social media account, tatanggalan ka ng media, tatakutin ang media, gagamitin ang pera ‘di ho sa lahat. Babarahan ka, kukunin ang mga prangkisa mo,” aniya.
Paliwanag ng grupo, nag-ugat ang lahat ng problemang ito sa labis na kapangyarihan ng pamahalaan na ipinagkaloob ng 1987 Constitution.
“In our constitution it is written that government has power to intrude all aspects of life,” diin nito.
Kaya para mapigilan ito, isinusulong ngayon ng grupo na mabago ang konstitusyon.
Ang konstitusyon na binalangkas aniya ng mga maka-Amerikano at maka-Kastila.
Kung paano? Nais ng grupo na magpatawag ng Constitutional Convention (Con-Con).
Isa ang Con-Con sa tatlong paraan para amyendahan ang Saligang Batas.
Sa Con-Ass, mga nakaupong mambabatas ang hihimay at babago sa Konstitusyon, habang sa Con-Con, tao ang boboto ng mga uupo para aralin at baguhin ang Saligang Batas.
People’s Initiative naman ang panghuling paraan para sa Charter change o ang pangangalap ng lagda ng taumbayan para ito’y baguhin.
Constitutional Convention (Con-Con) para amyendahan ang konstitusyon, isusulong laban sa labis na kapangyarihan ng gobyerno
“It’s time for a change. Magpatawag po kayo ng Con-Con para makalahok kami. Dahil ang Con-Con lang po ang talagang the only way, the only option na matatanggap ng Pilipino na may kredibilidad na matatangap nila na ito’y para sa Pilipino,” dagdag ni Belgica.
Kabilang sa isusulong ng grupo sa bagong Saligang Batas ang pagpapalakas ng kapangyarihan ng pamahalaan kontra korapsiyon.
Mag-iikot naman ang ‘Pilipino Tayo Movement’ sa buong bansa para ipaliwanag kung ano ang Con-Con.
Kabilang sa grupo ay sina former Senator Gringo Honasan, former Congressman Mike Defensor, Senator Robin Padilla, at iba pa.