MULING nanawagan si Senador Imee Marcos na i-upgrade ng pamahalaan ang kakayahan sa pagtugon sa mga kalamidad, kasunod na rin ng pagkamatay ng limang rescuer sa San Miguel, Bulacan sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding nitong Linggo.
“Ang pagkalunod ng limang rescuer ay patunay lang sa kawalan ng sapat na flood watch at warning systems, gayundin ng istriktong mga panuntunan sa paglilikas sa mga residente sa mataas na lugar na dapat isinasagawa ng mas maaga,” ani Marcos.
Sinabi ni Imee Marcos, apo ni Remedios Trinidad na taga-Bulacan, ang lugar na pinangyarihan ng trahedya sa Barangay Camias ay malapit lang sa San Miguel River at nasa pagitan ng dalawang irrigation canal pero walang klarong “preemptive safety measures” o klarong paunang hakbang para sa kaligtasan.
“Paano makakapagsalba ng buhay ang mga rescuer kung ang kaligtasan nila’y binabakasakali lamang. Mawawalang-saysay ang pagbibigay-pugay natin at pananalangin sa mga biktima at ang kanilang mga inulilang pamilya kung walang gagawing aksyon ang gobyerno para ma-iangat natin ito sa disaster resiliency,” dagdag pa ni Marcos.
Inihain ni Marcos ang Senate Resolution 421 nitong Martes na isang pagkilala sa katapangan at kabayanihan nina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marvin Bartolome, Narciso Calayag at ni Jerson Resurreccion ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Bulacan.
Inihirit ni Marcos na may solusyon sa paghahanda at pagtugon sa kalamidad ay ang pagbuo ng National Resiliency and Disaster Management Authority (NRDMA) na magpapa-angat sa kasalukuyang umiiral na National Disaster Risk Reduction Management Council ngunit mas matipid kumpara sa isang buong departamento ng gobyerno.
Matatandaang bago ang pagsisimula ng 19th Congress, naghain si Marcos ng Senate Bill No. 186 para buhayin ang kanyang orihinal na Senate Bill 1125 noong 2019.
Sinabi ni Marcos na ang pagpapakilos sa mga resources ng gobyerno sa panahon ng mga kalamidad ay nahahadlangan ng kasalukuyang sistema lung saan kailangan pang dumaan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, iba’t ibang mga chain of command sa PNP at iba pang sangay ng AFP, at madalas nangyayari na maging ang Pangulo’y naoobligang personal na pangunahan ang mga ahensya ng gobyerno.
“Ang buong taon na katatagan ay nangangailangan din ng updated na pagsasanay at kagamitan para sa kaligtasan ng mga rescuer at isang mas mahusay na sistema ng pagbibigay-hudyat hinggil sa panahon para sa mga lokal na pamahalaan,“ ayon pa kay Imee Marcos.