Pagsasaayos ng Manila Central Post Office inihahanda na ng PHLPost

Pagsasaayos ng Manila Central Post Office inihahanda na ng PHLPost

INIHAYAG ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) nitong Miyerkules na inihahanda na nila ang mga kinakailangang dokumento para sa opisyal na pagsisimula ng retrofitting o restorasyon ng Manila Central Post Office (MCPO).

Ayon sa PHLPost, binubuo na nila ang Terms of Reference (TOR) para sa Detailed Architectural and Engineering Design (DA-ED) na magsisilbing gabay sa muling pagtatayo ng gusali.

Ang DA-ED ang magiging batayan para sa costing, transparency at tamang paggamit ng pondo sa isasagawang public bidding.

Tiniyak din ng ahensiya na isasaalang-alang sa disenyo ang mga modernong pamantayan sa kaligtasan, accessibility, at sustainability, habang pananatilihin ang cultural integrity bilang national heritage site nito.

“This project is about honoring our past, preserving our identity, and showing the strength and unity of our people through heritage conservation and nation-building,” ayon kay Luis Carlos, Postmaster General and Chief Executive Officer, PHLPost.

Batay sa isinagawang pag-aaral, maaari pa ring i-retrofit ang gusali sa kabila ng matinding pinsala matapos itong masunog noong Mayo 21, 2023.

Bilang bahagi ng restorasyon, nakipagtulungan na din ang PHLPost sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa muling pagpipintura ng harapan ng gusali.

Ang MCPO ay itinuturing na isa sa pinakamagagandang halimbawa ng neoclassical architecture sa bansa.

Idinisenyo ito ng batikang Filipino architect na si Juan Arellano noong 1926.

Sa loob ng maraming dekada, nagsilbi ito bilang headquarters ng PHLPost at naging historical landmark sa Pasig River Banks.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble