NANGANGAMBA ang karamihan sa mga manggagawa ng Manila International Airport Authority (MIAA) na posibleng mawalan sila ng trabaho sakaling isapribado na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminals.
Naniniwala ang Samahan ng mga Manggagawa sa Paliparan ng Pilipinas (SMPP) na hindi privatization ang sagot para tugunan ang modernisasyon ng paliparan.
Sa panayam kay Andy Bercasio, ang presidente ng Samahan ng mga Manggagawa sa paliparan ng Pilipinas (SMPP), ipinunto ng grupo na hindi kailanman tutol ang SMPP sa modernisasyon ng paliparan dahil ang mga de-kalidad na serbisyo sa transportasyon sa bansa ang pangunahing tungkulin ng gobyerno.
Aminado rin ang kanilang samahan na nasa 1,300 na mga manggagawa sa MIAA na regular ang nababahala dahil wala pang katiyakan kung ilan ang mawawalan ng trabaho sa kanila o mananatili kung maisasapribado na ang NAIA.
2,800 naman ay mga outsource hindi pa kasama ang job order.
Karamihan din kasi sa kanila ay matatagal na sa serbisyo sa paliparan at tanging inaasahan na lamang ng kanilang mga pamilya.
Dahil dito nanawagan sila sa pamahalaan para tugunan ang kanilang mga daing at problema.
Matatandaan una nang ipinangako ng Department of Transportation na hindi maapektuhan ang mga empleyado ng MIAA kung sakaling maisapribado na ang paliparan.
Pero sa kabila nito ay may pangamba pa rin ang grupo.
Ang gusto rin lang naman ng grupo ay bigyan sila ng kopya ng terms of reference kung saan nakasaad ang magiging kalagayan ng empleyado at consensus of agreement na obligado ang private company na mag-alok sa kanila ng compensation package na makonsidera ang haba ng serbisyo ng mga empleyado ng MIAA.
Sa ngayon ang SMPP ay pinapayagan ng MIAA management na magsagawa ng awareness campaign tuwing alas-12 ng tanghali hanggang ala-una ng hapon sa loob ng MIAA Administration Building.
Iba-iba na ring ahensiya ng pamahalaan ang nilapitan nila para pakinggan ang kanilang panawagan.