NAGPAHAYAG ang ilang stakeholders ng pag-aalala sa posibleng pagtaas ng singil sa internet at negatibong epekto sa kanilang operasyon kung maisasabatas ang Senate Bill 2699 o ang Konektadong Pinoy Bill.
Sinabi ni Federation of International Cable TV and Telecommunications Association of the Philippines (FICTAP) Chairman Estrellita Juliano Tamano na isinagawa nila ang public hearing dahil sa kakulangan ng paliwanag mula sa mga mambabatas hinggil sa nilalaman ng panukalang batas.
“Hindi nila kinumbida ang mga stakeholders. Kung kinumbida lang nila ang stakeholders, maaaring nakumpleto iyan. Kaya iyon sana ang hinihiling namin sa Senado, sa Kongreso, sa susunod kung gagawa sila ng batas, kung sino man ang concerned, ‘yung stakeholders na nandoon sa field, lalo na nagde-deliver kami, kumbidahin kami, para naman malaman nila kung ano ang dapat,” ayon kay Estrellita Juliano Tamano, Chairperson, FICTAP.
Ipinunto ni Tamano ang mga problema tulad ng kakulangan ng pole rental at mataas na singil ng mga electric cooperatives sa pagkabit ng mga poste, na isang malaking hamon sa mga maliliit na cable internet providers.
“Lalo na ‘yung maliliit, ‘yung malalaking telco nakakabit iyan, ‘yung maliliit na cable internet provider nakakabit iyan pero hindi kaya magbayad ng ginawa nilang from P250, ginawa nilang P450 na wala man lang public hearing, hindi kami na-consult,” dagdag nito.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Atty. Roy Ibay, Convenor ng Protecta Pilipinas, sa hindi pagkonsulta sa kanila sa isinusulong na batas.
“Maganda naman ang objective ng batas o ng bill, we support naman sa objective ng bill, kaya lang siguro ang isang hinanakit lang namin, itong Kongreso naipasa na ito, hindi man lang kami nakonsulta, hindi kami naipatawag at kami na lang ang kusang nag-submit ng aming position paper,” aniya pa.
Nanawagan ang FICTAP kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na utusan ang National Irrigation Administration (NIA) na bumuo ng technical working group para matukoy ang tamang bayad sa mga consumer. Hinihiling din ng mga grupo na maimbitahan sila sa paggawa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para maibahagi ang kanilang mga input.
Samantala, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2699, na naglalayong magbigay ng mas abot-kaya at accessible na internet connectivity sa mga Pilipino.