NILINAW ngayon ng Department of Health (DOH) na ipinauubaya na nila sa mga magulang ang pagdedesisyon kung patuloy na pagsusuutin o hindi ng face mask sa loob ng silid-aralan ang kanilang mga anak.
Ang naturang paglilinaw ay inihayag ni Health Officer In Charge Maria Rosario Vergeire kasabay ng nagpapatuloy na full face to face classes sa mga paaralan.
Gayunman ay pinayuhan din ni Vergeire ang mga magulang na pag-aralang mabuti ang kanilang magiging desisyon lalo pa at kalusugan ng kanilang mga anak ang nakasalalay.
Magugunitang dati nang sinabi ng DOH na ang mga mag-aaral lalo na ang mga batang estudyante ay itinuturing nila na kabilang sa vulnerable population o madaling mahawa sa sakit.