MULING pinaalalahanan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng Department of Science and Technology (DOST) ang publiko na paigtingin pa ang ibayong pag-iingat.
Kasunod ito sa patuloy na aktibidad na naitatala sa Bulkang Bulusan ng ahensiya.
Simula alas nuebe ng gabi ng Disyembre 29 nitong 2023 ay nakapagtala na ng 116 na volcanic earthquake.
Nakapagtala rin ng 110 volcano-tectonic o lindol na nauugnay sa pagkasira ng mga bato na aabot sa dalawa hanggang anim na kilometro sa katimugang bahagi ng Bulkang Bulusan.
Nanatiling namamaga ang paligid ng bulkan partikular na sa timog-kanluran at timog-silangan simula pa noong Pebrero 2023.
Hindi rin inaalis ng PHIVOLCS ang posibilidad na magkaroon muli ng phreatic eruption sa bulkan dahil sa naitalang pagtaas ng seismic activity nito.
Gayunpaman, nanatili pa ring nasa Alert level 1 ang Bulkang Bulusan.
Pero, paalala pa rin ng mga ahensiya ng pamahalaan sa publiko na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pagbabantay sa 2-kilometer Extended Danger Zone (EDZ).
Bunsod ng aktibidad ng bulkan ay ipinagbawal na rin ang pagpapalipad ng anumang uri ng sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok nito.
Tiniyak naman ng PHIVOLCS na tuluy-tuloy nilang tinututukan ang sitwasyon o aktibidad sa Bulkang Bulusan.