Pagtaas ng alert level sa mga lugar na mataas ang kaso ng COVID-19, iminungkahi

Pagtaas ng alert level sa mga lugar na mataas ang kaso ng COVID-19, iminungkahi

IMINUNGKAHI ng isang infectious disease expert na magpatupad ng mas mataas na alert level sa mga lugar na nakararanas ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Dr. Rontgene Solante, isang infectious disease expert, naniniwala siyang dapat nang itaas sa Alert Level 4 ang estado ng kasalukuyang alert level sa high-risk areas.

Ito ay kung pagbabatayan ang kapasidad ng hospital facilities ngayon, ang kakulangan ng healthcare workers kasama pa ang mabilis na bilang ng hawaan sa komunidad.

Una nang sinuportahan ni Dr. Solante ang paghihigpit ng restriksyon sa National Capital Region (NCR) at ilang karatig lalawigan nito.

Kasunod ito ng napaulat na kakulangan sa manpower ng mga local government unit (LGU) at pagtaas ng hospital occupancy rate.

Nasa ilalim ang Metro Manila sa Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang Enero 15 bilang tugon sa tumataas na kaso ng COVID-19 kasama ang pagka-detect ng mas nakahahawang Omicron variant sa bansa.

Healthcare capacity vs COVID-19 sa NCR at mga karatig lalawigan, patataasin

Samantala, iimplementa na ng gobyerno ang mga rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) Sub-Technical Working Group (STWG) on Data Analytics sa National Task Force (NTF) health facilities sub-cluster.

Mababatid na tumaas ang hospital care utilization rate.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles na kabilang sa hakbang na gagawin ng pamahalaan ay ang pagpapataas ng bed capacity sa NCR plus areas.

Bukod dito, makikipag-ugnayan din ang gobyerno sa relevant stakeholders upang pagsamahin ang monitoring ng kapasidad ng Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMFs) sa measurement nito sa health systems capacity.

Samantala, inatasan naman ang Field Implementation and Coordination Team (FICT) ng Department of Health at health facilities sub-cluster ng NTF na kaagad na makipag-ugnayan sa NCR hospitals para i-determina kung paano ilalaan ang COVID beds.

SMNI NEWS