NAGTAAS ang Sugar Regulatory Administration (SRA) ng import clearance fee para sa high fructose corn syrup (HFCS) upang pigilan ang paggamit ng mga artificial sweetener.
Ayon kay SRA Administrator Pablo Luis Azcona, mula P1.50 ay ibinalik na sa dating P30 ang import clearance fee nito sa bawat katumbas na bag ng asukal.
Noong unang bahagi ng 2017, naniningil aniya ang SRA sa mga kompanyang nag-aangkat ng mga sweetener na gawa sa corn starch ng P30 kada bag ngunit ibinaba ito makalipas ang isang buwan sa P1.50 kada bag.
“February of 2017 nagpasa iyong SRA Board na iyong high-fructose corn syrup will now be required to get an import clearance from SRA and chinarge [charged] po sila ng 30 pesos per 50-kilo bag equivalent po, kasi liquid siya. And a month later, in March 2017, iyong 30 pesos po ginawang one peso and fifty cents,” wika ni Pablo Luis Azcona, Administrator, SRA.
Napansin ng sugar industry ang pagbaba ng demand sa asukal habang napansin din nito ang pagdami ng mga gumagamit ng high-fructose corn syrup.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Azcona na ‘less healthy’ o hindi maganda sa kalusugan ang high fructose corn syrup, kung ikumpara sa asukal.
“Way back sometime 2016 or ‘17, the sugar industry noticed na there was a drop sa demand po sa sugar and we noticed na madami iyong gumagamit ng high-fructose corn syrup and it was deemed less healthier actually,” dagdag ni Azcona.
Ang pagtaas ng import clearance fee para sa high fructose corn syrup ay ipinasa ng Sugar Board noong nakaraang buwan at bahagi ng Sugar Order (SO) 4.
Una rito, naglabas ng hinaing sa isyu ng artificial sweeteners ang United Sugar Producers Federation (Unifed) kasama ang iba pang sugar stakeholders, sugar millers at sugar refiners maging ang sugar farmers mula Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ikinalugod naman ng mga ito nang ilabas ang kautusan na taasan ang import clearance fee ng high fructose corn syrup.
Binanggit ni Azcona na makatutulong din ang P30 na import clearance para sa pagpopondo ng mga programa para sa mga sugar farmer.
“Iyong 30 pesos po kasi na import clearance this goes in the corporate fund of the SRA, and the SRA corporate fund po comes from all these fees and liens and dito po kinukuha iyong lahat natin na budget for all the tulong na binibigay natin sa farmers natin. We’re hard at work with coming up with new and more productive sugarcane varieties – locally produced po iyan,” ani Azcona.
Samantala, tiniyak naman ng SRA na sapat ang suplay ng asukal sa Pilipinas.