Pagtaas ng kaso ng Mpox sa Mindanao umabot na sa ilang probinsiya

Pagtaas ng kaso ng Mpox sa Mindanao umabot na sa ilang probinsiya

PATULOY na lumalala ang sitwasyon ng monkeypox (Mpox) sa ilang bahagi ng Mindanao, kasunod ng pagkumpirma ng mga kaso sa South Cotabato, Sultan Kudarat, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa ulat na inilabas ni Dr. Conrado Braña Jr., hepe ng Integrated Provincial Health Office-South Cotabato sa isang press conference nito lang Huwebes, 10 kaso ng Mpox ang naitala sa South Cotabato, kabilang ang mga bayan ng Banga, Tantangan, Lake Sebu, Surallah, at T’boli, gayundin sa capital nito na Koronadal City.

Dagdag pa ni Dr. Braña, ang lahat ng pasyente ay kasalukuyang nasa isolation facilities at mahigpit na binabantayan ng mga medical team.

Samantala, kinumpirma rin ng Provincial Health Office ng Sultan Kudarat ang tatlong bagong kaso ng Mpox—isa sa bayan ng Bagumbayan at dalawa sa Tacurong City.

Lahat ng pasyente ay nasa home isolation at sumasailalim sa patuloy na monitoring.

Ayon sa advisory ng probinsiya, matagumpay na natukoy ang ilang close contacts ng mga pasyente at kasalukuyan silang naka-self isolate at binabantayan para sa posibleng sintomas.

Magugunita na noong Mayo 21, ngayong taon, nauna ring kinumpira ni Dr. Kadil Sinolinding Jr., Health Minister ng BARMM, ang dalawang kumpirmadong kaso ng Mpox sa mga bayan ng Bulalo, Sultan Kudarat at Dalican, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte. Kasalukuyang iniimbestigahan pa ang anim na iba pang pinaghihinalaang kaso.

Nagpaalala ang mga lokal na opisyal sa publiko na manatiling kalmado ngunit mapagmatyag, sumunod sa mga health protocol, at agad na i-report sa mga Municipal o City Health Office kung makararanas ng mga sintomas ng Mpox, gaya ng lagnat, rashes, pananakit ng katawan, at pamamaga ng kulani.

Ang Department of Health (DOH) mga lokal na pamahalaan ay patuloy na nagsasagawa ng contact tracing, health education, at surveillance para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble