Pagtaas ng premium contributions ng PhilHealth, pinag-aaralan pa—PBBM

Pagtaas ng premium contributions ng PhilHealth, pinag-aaralan pa—PBBM

HINDI pa inaprubahan ng Malacañang ang nakabinbing pagtataas para sa premium rate ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hanggang limang porsiyento.

Sa isang panayam, bago umalis patungong Australia nitong Miyerkules, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sinusuri pa nila ang panukala.

Ngunit pagtitiyak ng pamahalaan, pagdedesisyunan ang naturang usapin sa lalong madaling panahon.

Kasabay rito, binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na dapat mayroong karagdagang benepisyo sa lahat ng miyembro ng PhilHealth, na kaakibat ng sakaling pagtaas ng premium contribution nito.

“It’s under review. The… what we are trying to determine is that if we are going to increase the contribution from four percent to five percent, anong bawi? It’s really a cause-benefit analysis,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Samantala, kinilala rin ni Pangulong Marcos ang pinalawak na mga benepisyo ng state insurer.

Kabilang sa mga ito ay ang pagtaas ng suporta sa dialysis sa tatlong beses sa isang linggo para sa mga outpatient, na katumbas ng buong lingguhang coverage.

Binanggit din niya na pinataas din ng PhilHealth ang coverage nito para sa “Case Z conditions” tulad ng cancer.

“So, kung may benepisyo naman, if we can justify the increase then we’ll do it but if not, we won’t. Ganoon lang kasimple ‘yun. It’s just a very straightforward cause-benefit analysis. We’re still under study but we’ll come to a conclusion very, very soon,” ani Pangulong Marcos.

Ang Republic Act No. 11223 o ang Universal Healthcare Act ay nag-uutos na itaas ng 0.5% ang PhilHealth contribution rate taon-taon simula sa 2021, at magpapatuloy hanggang umabot sa 5% mula 2024 hanggang 2025.

Nauna nang sinuspinde ni Pangulong Marcos ang pagtaas ng income ceiling at premium rate para sa 2023.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble