ISANG strategic move ayon sa isang political strategist ang pagtakbo ni Vice President Sara Duterte sa 2025 Midterm Election.
“’Yung sinabi ni Vice President (Duterte), I think it’s a very strategic move, hindi siya broken heart pero, pinapakita niya sa taong bayan that I can turn my back away from this. I do not cling on my position, those are two principles na makikita mo na certain siya,” ani Prof. Malou Tiquia, Political Strategist.
Sa pahayag ni VP Duterte ukol sa kaniyang pagtakbo, ay hindi ito nagsabi ng partikular na posisyon.
Ayon pa kay Tiquia na isang beteranong political strategist, nagkaroon pa di umano ng crisis meeting sa tanggapan ng Office of the Vice President (OVP) dahil sa kaniyang naging pahayag na pagtakbo.
Ani Tiquia, na kung tatakbo ang bise presidente sa 2025 bilang isang senador ay maaari paring itong tumakbo sa 2028 sa pagka pangulo. Dahil manalo man o matalo ay puwedeng-puwede pa rin itong makabalik sa Senado.
“Kung makikita mo independent din ‘yung tatay, ‘yung statement ni former President Duterte. So, ‘yung Duterte sabi nila spent force, dahil sa announcement na ‘yan kagabi lahat sa political establishment nagkagulo,” dagdag pa nito.
Manifesto ng Senado, malaking balakid sa isinusulong na People’s Initiative—Tiquia
Sa kabilang banda, ay binigyan-diin din ni Tiquia ang hakbang ng Senado na isang manifestong nilagdaan ng 24 na senador na pinamunuan ni Senate President Juan Miguel Zubiri na tumututol sa kasalukuyang People’s Initiative (PI).
“Itong ginawa ng Senado ay hindi lang sense eh’, talagang balakid sa People’s Initiative (PI). 24 na senador ang tatayo para sa bayan, para sa Pilipino sa usaping People’s Initiative,” saad ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Dagdag pa ni Tiquia na sa 300 miyembro ng Kamara de Representantes, tatlo lamang sa mga ito ang tumatayo at kumukuwestiyon sa iilang mga hakbang sa Mababang Kapulungan.
Isa na rito ay si Cong. Pulong Duterte na pinalagan ang kumakalat na PI sa kaniyang distrito na umano’y pinangungunahan ng Speaker of the House.