BAWAS-pasanin sa mga guro ang kautusan ni VP at Education Sara Duterte na tanggalin sa kanila ang mga admin task.
Mula sa pagbili ng mga rekado at paghahanda ng mga lulutuin hanggang sa pagluluto at pagpapakain sa mga estudyante.
Iyan ang trabaho ni Teacher Lani bilang isa sa mga in-charge ng feeding program sa Batasan National High School sa Quezon City.
Bukod pa iyan sa asignaturang kaniyang hinahawakan na Technology and Livelihood Education (TLE).
Dahil sa kaniyang responsibilidad sa feeding program ay kadalasan niya nang nate-take home ang kaniyang mga paper work.
“Lalo na sa mga checking ng mga activities ng mga bata na minsan dinadala namin sa bahay. But then again dahil may family kami hindi rin namin nahaharap,” ayon kay Maria Lanie Santiago, Guro, Batasan National High School.
Si Teacher Maricel naman ay hindi lang English Teacher dahil isa rin siyang school learning resource management coordinator, librarian, information communication technology staff, at technical staff tuwing may event sa eskwelahan.
Kaya para lang matapos ang santambak na paper works, kailangang mag-overtime ni Teacher Maricel.
“Nag-oovertime kami. Minsan naman po kung kaya naman na gawin dito na hindi masa-sacrifice ‘yung time namin, okay naman po ginagawa naman namin dito. Minsan lang kapag madalas ‘yung kinakailangang reports na madalian,” ayon kay Maricel Oliva, Guro, Batasan National High School.
Kaya naman laking ginhawa at talaga namang bawas-pasanin para sa mga guro tulad ni Teacher Lanie at Maricel ang kautusan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na tanggalin na ang admin duties sa mga guro.
Inilabas ng Department of Education (DepEd) ang department order on the immediate removal of administrative tasks of public school teachers nitong Biyernes.
“To ensure its effective implementation along with the filling up of 5,000 administrative personnel for 2023 and another 5,000 administrative personnel for 2024, we will also be providing additional MOOE to enable our schools to hire necessary administrative support staff,” ayon kay Vice President Sara Duterte/ DepEd Secretary.
Kabilang sa mga administrative tasks na tatanggalin sa mga guro ay ang personnel administration; property/physical facilities custodianship; general administrative support; financial management; records management; feeding; school disaster risk reduction and management; at iba pang programa.
“Mas matutukan mo sila isa-isa. Mas madaling mong, “Ahh ito ‘yung needs niya talaga.” Lalo na po we have 50 in the class,” dagdag ni Oliva.
“Mas matututukan namin ‘yung mga bata. At pagka ganoon mas alam namin, lalo na ‘yung ifo-focus po natin sa reading di ba. Ano po ba ‘yung mapapabilis sa ani nila lalo na sa literacy, numeracy ng mga bata,” ani Oliva.
“I have more time to the students and then of course to my family. More time spending with them lalo na sa mga times na kailangan,” dagdag ni Santiago.
Ayon sa DepEd, maaari namang i-grupo ang mga paaralang wala o hindi sapat ang bilang ng administrative support personnel.
Maghi-hire naman ng karagdagang tauhan para sa admin duties para sa clustered schools na gagawin sa loob ng 60 araw.
Samantala, ibibigay na sa school heads at mga non-teaching personnel ang admin tasks.