ISA sa pinakamahirap na running event, ang “Ultra Trail” kaya naman mula sa 54 atleta na kumasa sa kompetisyon ay 14 lamang ang nagawang matapos ito.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay inorganisa ng Danao City Government sa Cebu ang International Ultra Trail running nitong nakaraang tatlong araw ng weekend mula Biyernes, Enero 2 at nagtapos nitong Linggo, Enero 28.
Ang Ultra Trail ay isa sa pinakamahirap na running event dahil ito ay kombinasyon ng pagtakbo sa mga hindi patag na daan patungo sa mga bundok na may padausdos na daan pababa at matatarik na lugar paakyat na mayroong limitado o takdang oras para matapos ang aktibidad.
Labanan ito ng lakas, liksi, at tibay ng loob ng mga atleta na mula pa sa iba’t ibang bansa.
Eksaktong alas-12 ng hatinggabi ng Biyernes sinimulan ang karera ng mga atleta sa iba’t ibang kategorya sa 100, 50, 30, at 15 kilometer run na may halong iba’t ibang challenges tulad ng uphill at downhill, terrain, at iba pa.
Apat na mga breathtaking peak ang dinaanan ng mga atleta, kabilang dito ang Mt. Licos, Manghilao Peak, Mt. Lantawan, at Mt. Mago sa siyudad ng Danao.
Dahil sa tindi at hirap ng ruta, isang Kenyan national athlete ang naligaw at nawala kung saan umabot pa ito sa kabilang munisipyo sa Astorias, Cebu na agad namang na-rescue.
Nasungkit ni Andy Toniaco ng Hilonggos, Leyte, na first time sumabak sa 100-kilometer – male category na umabot ng 20 oras, 37 minuto, at 22 segundo.
“Salamat kay God na tinulungan ako sa the whole race, lalo na sa ruta, ikaw lang mag-isa dun sa loob ng bundok, walang kasama, tahimik pa. So, ginawa ko na lang, anu lang, guide na lang kay God para matapos na race na ito hanggang finish line,” ayon kay Andy Toniacao, 1st Placer (Male Category), 100km, Danao City International Ultra Trail.
Isa ring first-timer sa 100-kilometer si Chloe Base na umabot sa 29 oras, 31 minuto, at 43 segundo para sa female category na damang-dama ang hirap sa trail na kaniyang tinahak.
“I think eto ‘yung pinaka mahirap, ‘yung ruta, hindi siya.. Natatakbo ‘yung downhill, kagaya ng ibang trail so maglalakad ka pa paakyat tapos mababawi mo pag-downhill. Eto kasi pag-downhill, mahirap kasi ‘yun bago, masakit ang paa,” ayon kay Chloe Base, 1st Placer (Female Category), 100km, Danao City International Ultra Trail.
Para kay Cris Van de Velde, founder ng Asia Trail Master, maaari nang maikumpara ang galing ng mga Filipino trail athletes sa ibang bansa.
“Elevate the trail running standard of the Philippines. Create an event that par with the world’s best and this weekend has shown that the Philippines can in fact have… and can be a hope to an event that is at par what the other countries have to offer,” ayon kay Cris Van de Velde, Founder, Asia Trail Master.
Target ni Danao City Mayor Thomas Mark Durano na maging benchmark ang lugar sa darating na mga trail running championships para maipakita ang siyudad bilang pangunahing destinasyon sa sports tourism.
Ayon sa Philippine Trail Running Association, ang mga nanalo sa Danao City International Ultra Trail event ay qualified na sa 2024 Philippine Trail Running Championship na gaganapin sa Bontoc, Mountain Province sa buwan ng Hunyo.