TULUY-tuloy ang Department of Agrarian Refom (DAR) sa paghahatid ng programa na makatutulong na mapagaan ang buhay ng ating mga magsasaka.
Maliban sa pamamahagi ng titulo ng lupa para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng ahensya, prayoridad din nito na mapabilis ang pagdadala ng mga produktong pang-agrikultura sa mga merkado ng mga magsasaka.
Kung kayat, panibagong proyekto ang sisimulang itayo sa Kalibo, Aklan sa pakikipagtulungan ng ahensya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at lokal na pamahalaan nito.
Nasa 5 farm to market roads (FMR) ang planong itayo na nagkakahalaga ng P50 milyon na mapapakinabangan ng higit 20,000 ARB at non-ARB mula sa iba’t ibang munisipyo nito.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni DAR Secretary Conrado Estrella III na ang pagpapatayo ng FMR ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na palawigin ang kinakailangang suportang serbisyo sa sektor ng pagsasaka.
Ito ay upang mabuhay muli ang industriya ng agrikultura sa bansa sa pamamagitan ng pagpapabuti ng daloy ng suplay ng pagkain.
“Ang proyektong ito ay magbabago sa buhay ng mga ARB, ito ay makakatulong sa kanila na makakuha ng mas mahusay na mga presyo para sa kanilang mga produkto upang mapabuti ang kanilang kita at kabuhayan,” ani Conrado Estrella III, DAR.
Mapapakinabangan ang naturang proyekto hindi lamang sa mas mababang gastos sa transportasyon at oras ng biyahe, kung hindi mararanasan ang mas mabilis na paghahatid ng iba’t ibang suportang serbisyo mula sa pamahalaan.
Kabilang sa pagtatayuan ng FMR project ang Brgy. Naile Proper sa Ibajay, Brgy. Tagaroroc, Nabas at Sta. Cruz-Biga-a sa Brgy. Sta. Cruz.
Gayundin sa Brgy. Biga-a, Lezo, Brgy. Aliputos, Numancia at Brgy. Dangcalan, Malinao.