SA panahon ngayon, laganap ang paggamit ng artificial intelligence (AI) technology sa mga panloloko o scam.
Isang halimbawa rito ang mga deepfake—mga video o larawan na ginawa o minanipula sa tulong ng AI upang magmukhang totoo.
Dito, maaaring gayahin ang itsura o boses ng isang tao sa larawan o video at magamit sa pagpapakalat ng maling impormasyon, online transactions, at paninira ng reputasyon.
Ngayong nalalapit na ang May 2025 midterm elections, ayon sa CICC, isa ito sa mga tinututukan ng ahensiya.
Sinabi ni CICC Executive Director Undersecretary Alexander Ramos na pini-pre-empt na nila ang posibleng mga problema sa hinaharap o sa paparating na eleksiyon.
“Inuna natin ang sistema. Tumulong tayo sa COMELEC na mag-review at mag-assist sa anumang issues na makikita natin sa bagong system na na-acquire ng COMELEC—iyan ba ay foolproof, iyan ba ay secured?” pahayag ni Usec. Alexander Ramos, Executive Director, Cybercrime Investigation and Coordinating Center.
Dagdag pa ni Ramos, matagal na nilang napaghandaan at pinag-aralan ang nalalapit na halalan, lalo na ang posibleng paglaganap ng deepfake.
Ayon sa kaniya, simula 2023 ay may preparasyon nang ginagawa ang CICC upang mapigilan ang paglaganap ng deepfake, katuwang ang Commission on Elections (COMELEC) at iba pang mga stakeholder.
“Nakita din namin ang isyu ng deepfake kaya matagal din naming pinag-aralan. Marami tayong strategy at procedures na puwedeng i-apply ngayon. In fact, we are in the middle of finalizing our working relations with frontline agencies such as the PNP, the military, and other stakeholders,” dagdag ni Ramos.
Isinalaysay rin ng opisyal na layunin nitong maitama ang impresyon ng mga botante mula sa mga negatibong epekto ng deepfake.
“Para maayos natin ang pag-address nito at maitama ang impresyon ng ating mga kababayang botante tungkol sa mga deepfake na nagpo-promote ng negativity sa nalalapit nating halalan,” aniya.
Samantala, inihayag naman ng Department of Science and Technology (DOST) ang magiging papel nito sa midterm elections. Ayon kay DOST Assistant Secretary Diane Ignacio, partikular itong may kinalaman sa certification process ng electoral board sa counting machines.
Aniya, ang DOST, sa pamamagitan ng National Capital Region at mga regional offices nito, ay nagsasagawa ng pagsasanay sa mga election board registrar.
“Marami nang na-train dito. I think they have trained thousands already, and it is still ongoing. I’m sure before the May election, we have already trained a lot of teachers and other professionals para dito sa certification na ito,” wika ni Asec. Diane Ignacio, Department of Science and Technology.