KINONTRA ng chairman ng Duterte Youth Partylist ang pahayag ng tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa kabuuang bilang ng mga lumahok sa global celebration ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 28.
Ayon kay Duterte Youth Partylist Chairman Ronald Cardema, hindi totoo ang sinabi ng PNP na nasa 60,000 lamang ang kabuuang bilang ng mga dumalo sa aktibidad sa loob at labas ng bansa.
“Una, hindi totoo ‘yun dahil sa kada siyudad, sa kada probinsya ay nagdaos ng malalaking gathering ng mga Duterte supporters at kahit ‘yung iba, hindi Duterte supporters, ordinaryong Pilipino,” ayon kay Ronald Cardema, Chairman, Duterte Youth Partylist.
“Kitang-kita nila sa Davao City alone, it is hundreds of thousands na. Paano magiging 60 thousand ang buong mundo at buong Pilipinas?” saad nito.
Bukod dito, binatikos din ni Cardema ang ilang opisyal ng pamahalaan na umano’y nalulunod sa kapangyarihan at nagpapalabas ng mga pahayag na taliwas sa tunay na sitwasyon sa bansa.
Isa sa kanyang tinutukoy ay ang naging pahayag ng isang opisyal ng kapulisan kamakailan, na sinisisi ang social media posts sa pagtaas ng kriminalidad sa bansa—sa kabila ng lumalabas na datos na nagpapatunay ng patuloy na pagtaas ng mga insidente ng krimen.
Sabi naman ni Cardema, hindi na kumbinsido ang publiko sa mga ganitong pahayag, lalo na’t makikita mismo sa mga opisyal na social media accounts ng ilang ahensya ng gobyerno at maging ni Pangulong Bongbong Marcos ang dagsa ng mga reaksiyong nagdududa at hindi naniniwala sa kanilang mga sinasabi.
“Alam niyo, di ko maintindihan kung sinong mga nag-a-advise sa mga ‘yan. Nababaliw kasi sa kapangyarihan ‘yung iba diyan na akala nila, nasa posisyon sila ngayon, kaya na nilang gawin at sabihin kahit anong bagay kahit hindi totoo,” sabu ni Cardema.
“Anong ginawa ng PTV, PCO, at Bongbong Marcos FB page? Tinanggal na lang ‘yung bilang para hindi makita kung sino ‘yung tumatawa at bilang ng mga tumatawa at nagagalit. Bakit niyo tatanggalin ‘yung bilang? Kasi nakikita ninyo, mayorya ng mga netizens ay nagre-react, natatawa na lang, at nagagalit sa kada post niyo araw-araw,” ani Cardema.
Sa huli, ani Cardema, patuloy na babantayan ng publiko ang mga pahayag ng mga nasa kapangyarihan, lalo na ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.