Pamamahagi ng “ECQ ayuda” sa NCR, umarangkada na ngayong araw

Pamamahagi ng “ECQ ayuda” sa NCR, umarangkada na ngayong araw

SINIMULAN na ngayong araw ng mga Local Government Unit (LGU) sa Metro Manila ang pamamahagi ng ayuda sa low-income families na apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sa Parañaque City, isinagawa ang ceremonial distribution ng financial aid sa Green Heights Village sa Barangay San Isidro kaninang alas 8:00 ng umaga.

Dumalo sa event sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista at Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya.

Sinabayan naman ng pagbabakuna ang pamimigay ng ayuda sa lungsod ng San Juan.

Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora, pwedeng magpabakuna ang mga residenteng tapos nang tumanggap ng ayuda.

Target naman ng Caloocan City na mabigyan ng ayuda ang nasa 410,000 pamilya sa lungsod sa loob ng 10 araw.

Mahigpit namang binabantayan ng DSWD at DILG ang pagsisimula ng ayuda II sa lungsod ng Maynila upang matiyak ang maayos at sistematikong pamamahagi ng ayuda.

Nasa 43,000 benepisyaryo naman ang target na mabigyan ng ayuda ngayong araw sa 37 na barangays sa Quezon City.

Kanya-kanya ring pagsisimula at diskarte ang iba pang LGU sa Metro Manila sa pamamahagi ng cash aid mula sa national government.

Pinatitiyak na hindi magiging “super spreader events”

Samantala, pinatitiyak ni PNP Chief General Guillermo Eleazar sa mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi magiging “super spreader events” ang distribusyon ng cash aid sa Metro Manila.

Ngayong araw, sinimulan na ng mga local government unit ang pamamahagi ng “ECQ ayuda” sa mga low income families.

Ayon kay Eleazar, dapat tiyakin ng mga pulis na nasusunod ang minimum public health safety standards at quarantine protocols lalo na ang social distancing at ang pagsusuot ng face masks at face shield sa pamamahagi ng ayuda.

Hindi dapat aniya mangyari sa cash aid distribution ang nangyari noong nakaraang linggo sa iba’t ibang vaccination centers kung saan dinumog ng mga tao.

Sinabi ni Eleazar na dapat alam ng mga pulis ang schedule at sistema ng pamamahagi ng ayuda sa kani-kanilang areas of responsibility.

BASAHIN: Mabilis na ECQ ayuda distribution, iniutos ni Pangulong Duterte

SMNI NEWS