Pamanang posisyon sa gobyerno, walang katuturan —Enrile

Pamanang posisyon sa gobyerno, walang katuturan —Enrile

IDINIIN ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na walang katuturan ang umano’y pamanang posisyon sa gobyerno dahil taumbayan pa rin ang boboto sa panahon ng halalan.

Kasunod ito ng mga pagbatikos sa posibleng pagtakbo ni Davao City Mayor Sara Duterte bilang presidente ng Pilipinas matapos ang termino ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay Enrile, may nagsasabi na hindi naipamamana ang isang posisyon sa gobyerno.

Paliwanag naman ni Enrile, walang ‘pamanang posisyon’ dahil ang taumbayan pa rin naman ang pipili ng iluluklok sa gobyerno.

“May nagsasabi na hindi pwede si Sara Duterte. Bakit naman hindi? Dito sa ating sistema pinag-aralan nilang mabuti wala namang makakapagmana ng pwesto kahit na sa municipal level, eh. Sapagka’t kahit na ‘yung anak mo hindi pwede…anak ng mayor hindi pwedeng makaupo na maging mayor kung hindi ihahalal ng tao. Ganun din ang presidente, hindi pwedeng ipamana ng presidente ‘yung pwesto niya. Kailangan ‘yung anak niya kung gustong maging presidente, tatakbo, kakampanya, gagastos, at magsasalita sa publiko para maakit ‘yung mga bumoboto at kailangang iboto ng tao because the power of government emanates from the consent of the governed,”pahayag ni Enrile.

Samantala, sinabi rin ni Enrile na hindi labag sa batas kung sakaling tatakbo bilang bise presidente si Pangulong Duterte  matapos ang mga pahayag na hindi ito maaari.

“There is no prohibition for a president to run as a barangay captain, a barangay kagawad, a councilor, a vice mayor or mayor, a board member, vice governor or governor, a congressman or a senator or a vice president, none. The only prohibition is he cannot re-elect himself to the same position forever, forever ‘yun ha,” ayon kay Enrile.

Ayon pa sa dating senador, sakali mang matutuloy ang pagtakbo ni Sara sa pagkapangulo at ni Pangulong Duterte sa pagka-bise presidente, lilikha ito ng kasaysayan sa pulitika dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na magiging vice president ang dating presidente at unang pagkakataon din na ang kasalukuyang pangulo ay may anak na tatakbo sa pagkapangulo.

Samantala, binalaan naman ni Enrile ang mga pulitiko na magdahan-dahan sa kanilang pananalita dahil baka mabaon ang mga ito sa isyu.

(BASAHIN: Davao City Mayor Sara Duterte, tatakbo bilang pangulo sa 2022 —Rep. Salceda)

SMNI NEWS