NAKATANGGAP ng mahigit sa P100,000 ang naiwang pamilya ng pinaslang na overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara mula sa Social Security System (SSS).
Pinangunahan ni SSS President and CEO Rolando Ledesma Macasaet ang pag-abot sa benefit claims kay Norlynda Cabiles, ang nanay at SSS beneficiary ni Ranara sa SSS main office sa Quezon City noong Marso 22, 2023.
“Considering the sacrifices being made by our OFWs by working in a foreign country and being away from their families for a long period of time, it is very important that they have an active SSS membership which will help them and their families in times of contingencies,” ani Macasaet.
Muli namang ipinaabot ni Macasaet ang pakikiramay ng SSS sa pamilya ni Ranara at muling tiniyak ang patuloy na pagsuporta ng ahensiya sa social security ng mga OFW.
Inalok din ni Macasaet ng trabaho sa SSS ang kapatid ng nasawing OFW.
Labis naman ang pasasalamat ni Cabiles sa benepisyong natanggap mula sa SSS dahil na rin sa kasipagan ng kaniyang anak at sa karagdagang suportang pinansiyal ng ahensiya.