Pamimili ng palay sa mga magsasaka, minamadali sa gitna ng banta ng La Niña—NFA

Pamimili ng palay sa mga magsasaka, minamadali sa gitna ng banta ng La Niña—NFA

PINABIBILIS ng National Food Authority (NFA) ang pamimili ng palay sa mga lokal na magsasaka sa harap ng banta ng La Niña.

Pero, ang tanong maabot kaya ng ahensya ang national rice buffer stock requirement na gagamitin sa panahon ng kalamidad o emergency.

Sa kabila ng init ng panahon, tuluy-tuloy sa pagtatanim ng palay si Kuya Elmer sa San Miguel, Bulacan.

Pero, natatagalan aniya sila na magtanim ngayon dahil sa mga pag-ulan.

“Kapag malalim na ganyan mahirap magtanim, matagal. Dahil, malalim ang tubig, lumulutang siya,” ayon kay Elmer, Magsasaka, San Miguel, Bulacan.

Apat na oras lang kasi ang itinatagal nila pero dahil sa mataas ang tubig ay inaabot sila ng anim hanggang pitong oras.

Hindi pa inaani ni Tatay Angelo ang ekta-ektaryang tanim niya ng palay sa San Ildefonso, Bulacan kahit pa buwan ng Mayo kadalasan nagtatapos ang anihan.

Sinadya aniya nito para makahanap ng buyer na ang alok ay resonableng presyo.

Nakatakda niyang ibenta sa National Food Authority (NFA) ang maaaning palay.

“Kung sa NFA po kasi kung may itinalagang presyo siyempre ‘yun na ang presyo ng NFA,” wika ni Tatay Angelo, Magsasaka, San Ildefonso, Bulacan.

Naabutan din namin sa isang bodega ng NFA si Kuya Arnie na nagbebenta ng 280 bags ng palay na naani noong mga nakaraang linggo.

Mas pinili niyang ibenta ito sa NFA dahil mas kikita aniya siya kaysa sa traders na pabago-bago at binabarat pa sila.

“Kumita naman pero saktuhan lang. Compare mo dati pero lugi, ngayon kumikita,” wika ni Arnie, Magsasaka, San Ildefonso, Bulacan.

Personal kasi na ininspeksiyon ni NFA Administrator Larry Lacson ang pamimili ng palay sa Bulacan.

Pagkatapos mabili ng NFA ang basang palay mula sa lokal na magsasaka ay agad itong dadalhin sa drying facilities. Kailangan maabot ang 14% moisture content o tuyong-tuyong palay na dadalhin sa bodega at gigilingin para maging bigas.

Sa ngayon ay umabot na sa 3.29 milyong sako ng palay ang nabili ng NFA sa mga magsasaka na nakaimbak sa mga bodega.

99 porsiyento ito ng 3.3 milyong bags ng palay na target ng ahensiya mula sa unang anim na buwan ng 2024.

Katumbas ito ng 136,000 metriko toneladang bigas o halos apat na araw na konsumo ng buong Pilipinas.

Pero, kapos pa rin ‘yan sa siyam na araw na national rice buffer stock requirement ng NFA sa panahon ng kalamidad o emergency.

“Hindi naman tayo nasasalanta ng bagyo buong Pilipinas kaya ay sapat na sapat po ‘yan.”

“It is still increasing, hindi siya nakakabahala kasi kita naman natin may stocks ang private entities. Stocks sa households umani naman tayo ng maganda.”

“Hindi tayo magdi-deficit pero we will not be able to hit our target,” saad ni Larry Lacson, Administrator, NFA.

Dahil sa may inaasahan pang ani, target nilang bumili pa ng 72,000 bags ng palay para mapunan ang kakulangan.

“That’s roughly another more than 2 million of rice. So, kung bibigyan namin si DSWD ng lahat ng pangangailangan nila at the same time maraming LGUs ng state of calamities malaking bagay rin iyong 2 million,” ayon kay Larry Lacson, Administrator, NFA.

Sinigurado naman ng NFA ang tuluy-tuloy na pamimili ng palay sa harap ito ng pangamba ng mga magsasaka ng pagbagsak sa presyo ng palay.

Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtapyas sa taripa sa imported bigas.

“Siyempre kawawa po ang mga magsasaka… Siyempre, ‘yun lang ‘yung ikinabubuhay dito sa bukid. Maging ‘yung mga magsasaka ay tatamarin na rin siguro,” wika ni Tatay Angelo, Magsasaka, San Ildefonso, Bulacan.

“Walang kinalaman ‘yung pagbaba ng tariff ng imported rice doon sa buying price ng NFA kahit ibababa nila sa zero ‘yan we will buy at the price na makakatulong,” ani Lacson.

Kung maalala, itinaas ng NFA ang procurement price ng palay sa P23 hanggang P30 kada kilo mula sa P19-P23 para sa tuyong palay.

Habang P17-P23/kg ang bili para sa sariwang palay na P16-P19/kg lamang noon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter