OPISYAL nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng ‘warm and dry season’ o panahon ng tag-init sa bansa.
Ayon sa PAGASA, nangangahulugan ito na natapos na ang northeast monsoon o ang amihan na nagdadala ng malamig na hangin sa bansa.
Aasahan na ang mas mainit na temperatura na posibleng tumagal hanggang Mayo.
El Niño, posibleng magsimula sa Hulyo ayon sa PAGASA
Samantala, posible namang magsimula na ang panahon ng El Niño sa buwan ng Hulyo.
Ito ang kinumpirma ni PAGASA Assistant Weather Services Chief Chris Perez sa Laging Handa public briefing.
Aniya, katatapos lang ng La Niña ngayong buwan at maaaring makaranas pa ang bansa ng normal na weather condition ngayong Marso, pati sa Abril, Mayo at Hunyo.
Kapag sinabing normal condition, ani Perez, walang El Niño o La Niña.
Sa ngayon, ang projection ng PAGASA pagdating sa rainfall bago mag El Niño, ay halos near normal o above normal sa ibang bahagi ng bansa.
Pero pagsapit ng panahon ng El Niño, ay bababa ang antas ng buhos ng ulan o makararanas ng below normal rainfall amount ang ilang bahagi ng bansa.
“Ang projection natin July onwards posibleng magsimula ang El Niño episode,” ayon kay Chris Perez, Assistant Weather Services Chief, PAGASA.
“Pero of course pag dumating na ang El Niño, magkakaroon tayo ng panibagong projection, then likely posibleng makaranas talaga ng mas mababang amount ng rainfall,” dagdag ni Perez.
Lebel ng tubig sa dam, inaasahang bababa sa panahon ng El Niño
Kaugnay rito, posibleng bumaba rin ang antas ng lebel ng tubig sa mga dam dahil sa El Niño.
“Posible yan kasi ang projection natin sa water level during the neutral months March April and May, patuloy na bababa. Then normal po na kapag madalang ang pag ulan during the dry and warm season sa ating bansa ay bumababa ang water reservoirs natin gaya ng dam,” aniya.
Maaari ding maapektuhan ng El Niño ang sektor ng agrikultura gayundin ang power generation sector at iba pang industriya.
Gayunpaman, ani Perez, hindi ibig sabihin na mararanasan agad sa Hulyo ang epekto ng El Niño, bagkus, maaring sa katapusan ng taon mararamdaman ng bansa ang epekto nito.
“Sa end of the year ang projection natin, doon natin mararanasan ang epekto ng El Niño but not necessarily pagdating ng July, kulang kaagad tayo sa tubig, may konti pang laging effect yan, then possible by August o September, magsisinula tayong makaranas ng below normal rainfall,” aniya pa.
Kaya naman, patuloy ang pagbibigay ng PAGASA ng weather at climate information.
Patuloy ring makikipag-coordinate ang PAGASA sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at maging sa ilang pribadong sektor para mapaghandaan ang paparating na El Niño.
Sa ngayon, puspusan na ang paghahanda ng PAGASA para sa El Niño kung saan nagkakaroon sila ng interaksiyon sa iba’t ibang ahensiya pati sa pribadong sektor.
Nagkakaroon din ang PAGASA ng symposium, information at education campaign para ipabatid sa publiko ang patungkol sa climate situation.
Ilang lokal na pamahalaan, pinaghahandaan na ang posibleng epekto ng nagbabadyang El Niño
Samantala, pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte ang nagbabadyang El Niño.
Sinabi ni Bulacan Rep. Florida Robes, sunud-sunod ang information dissemination ng lokal na pamahalaan maging ang pagpapalawig at pagpapalawak ng impormasyon sa mga mamamayan para paghandaan ang El Niño.
Dagdag pa ni Robes, na sunud-sunod din ngayon ang ginagawang water summit sa San Jose del Monte (SJDM) sa Bulacan.
“So, dito rin po mayroon po tayong life below water na sinasabi po natin na tinatawag po sa isang fora, and of course water summit at World Water Run kung saan ginawa natin ito noong March 19, 2023 – nito lang po, very recent lang po,” wika ni Rep. Florida Robes, San Jose del Monte City, Lone District.
Gayundin ang pakikipag-coordinate ng LGU sa San Jose Water District at Prime Water para madagdagan pa ang mga water reservoir sa lugar.
“And of course, iyong sinasabi po natin iyong sanitation-wise na dapat po clean water and sanitation ay dapat pong ating ipa-implement,” ani Robes.