Panahon ng tag-ulan pinaghahandaan ng MMDA

Panahon ng tag-ulan pinaghahandaan ng MMDA

PUSPUSAN ang paghahanda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa tag-ulan.

Ngayong Martes, Mayo 20, pinangunahan ng MMDA ang blessing ceremony ng mga bagong heavy equipment na binili sa ilalim ng Phase 1 ng Metro Manila Flood Management Project.

Ang mga kagamitang ito ay pinondohan ng World Bank, Asian Infrastructure Investment Bank, at ng MMDA mismo.

Kabilang sa mga na-procure na equipment ang mga backhoe, loader trucks, telescopic cranes, excavators, high-pressure vacuum at emptier trucks, watertight trucks, bangka, mobile pumps, dump trucks, at power cleaning machines.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, gagamitin ang mga ito sa paglilinis ng mga estero, kanal, ilog, at iba pang daluyan ng tubig sa buong Kalakhang Maynila.

Malaking tulong din aniya ang mga ito para mapabilis ang paghahakot ng mga basura araw-araw.

Para po maiwasan ang magbaha o kung magbaha man hindi po ito tataas at mabilis pong huhupa. Matatandaan ko po nung Bagyong Carina na naipakita niyo sa publiko ‘yung naiwang basura. At iyan po ay tumagal ng isang linggo bago naalis.”

“Dahil po kaya ng mano-mano na paglilinis ‘yun pong mga basurang naiwan ng Bagyong Carina. Kaya ito po naisipan namin na maghanda. Huwag naman sana kung darating muli ang pagkakataon na kailanganin at least nakahanda po tayo para po mas mabilis na mawala ‘yung basura sa mga kalsada,” wika ni Chairman Romando Artes, MMDA.

Bagama’t may mga bagong kagamitan na, muling nanawagan si Chairman Artes ng disiplina sa publiko, lalo’t nananatiling suliranin ang walang habas na pagtatapon ng basura sa mga daluyan ng tubig.

“Kahit every week maglinis po kami sa aming lugar sa pumping stations talagang daily po ‘yung basura. Ibig sabihin po wala pa ring habas ‘yung pagtapon ng ating mga kababayan ng basura kung saan saan particularly sa ating mga daluyan ng tubig. So dapat po maging disiplinado rin po ang ating mga kababayan. ‘Wag magtapon kung saan saan dahil iyan po ‘pag napunta sa daluyan ng tubig nagbabara, magca-cause po iyan ng flashfloods, ng pagbaha, at ng sakit,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble