Pang. Marcos, umaasa na patuloy na paiigtingin ng Civil Service Commission ang pangangasiwa sa ahensiya

Pang. Marcos, umaasa na patuloy na paiigtingin ng Civil Service Commission ang pangangasiwa sa ahensiya

UMAASA si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na patuloy na paiigtingin ng Civil Service Commission (CSC) ang pangangasiwa sa ahensiya.

Nagbigay ng mensahe si Pangulong Marcos kasabay ng ika-122 anibersaryo ng CSC.

Sa isang video message na inilabas nitong Setyembre 19, binati ni PBBM ang mga kawani ng CSC  at sinabing ikinararangal nito na maging bahagi ng nasabing selebrasyon.

Dagdag pang mensahe ng Punong Ehekutibo, umaasa ito na patuloy na pagbutihin ng ahensiya ang pamamahala sa pangkalahatang proseso, na nagsasaayos ng antas ng serbisyo sa gobyerno.

“Patuloy sana niyong paigtingin at pagbutihin ang pangangasiwa sa pangkalahatang prosesong nagsasaayos at nagpapatibay ng antas ng serbisyo sa pamahalaan at pampublikong tanggapan ang bansa,” pahayag ni Marcos.

Kaugnay nito, kinilala ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng ginagampanang papel sa pamahalaan ng CSC.

Tiniyak naman ng Punong Ehekutibo na pagtitibayin ng gobyerno ang pagkakaisa tungo sa ikauunlad ng paglilingkod sa mga Pilipino.

“Tunay na mahalaga ang inyong gagampanan sa pamahalaan sapagka’t  tinitiyak niyong karapat-dapat ang galing ng mga lider at kawani ng magsisilbi sa gobyerno,” ayon sa Pangulo.

Kasalukuyang pinamumunuan ni Chairperson Karlo Alexei Nograles, ang CSC na central personnel agency ng Philippine government.

Ang naturang ahensiya ang responsable para sa mga patakaran, plano, at programa tungkol sa lahat ng empleyado ng serbisyong sibil.

Follow SMNI News on Twitter