MAY panibagong isyu na naman sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS) partikular na sa Bajo de Masinloc.
Sa naging ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) nang-harass na naman ang China Coast Guard.
Sa video na kuha noong Enero 12, 2024 sa bahagi ng Bajo de Masinloc sa Zambales makikita na ang mismong mga personahe ng China Coast Guard ang bumaba sa laot para harangan o pigilan ang mga Pilipinong mangingisda.
Ang insidenteng ito ay kinumpirma at nasaksihan mismo ng isang mangingisdang Pinoy.
Base sa sinumpaang salaysay ng mangingisdang si Jack Tabat, nangunguha lang ng seashell na taktakun ang kaniyang mga kasamahan.
Biglang dumating aniya ang isang rubber boat na may numerong 3104 sakay ang limang Chinese Coast Guard personnel.
Dagdag pa nito, sinita ng mga personahe ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisda at pinababalik sa mga mangingisda sa dagat ang nakuhang mga taktakun.
Base sa ginawang imbestigasyon ng PCG, nasa 15-20 mangingisdang Pilipino ang nasa bisinidad nang mangyari ang pangha-harass.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Col. Francel Margareth Padilla na regular na nagpapatrolya ang Philippine Navy sa mga teritoryo na sakop ng bansa.
Ngunit sa lawak ng dagat kaya hindi napansin ang naturang insidente.
“Yes we do our regular patrols but our navy po kasi umiikot siya sa territorial sa West Philippine Sea as to the circumstances kung saan po located ang fisherman na to there were no reports yet that we come from the NolCom,” pahayag ni Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.
AFP mas palalakasin ang operasyon sa mga karagatang sakop ng Pilipinas
Dahil dito upang maiwasan na maulit ang pangha-harass sa mga mangingisdang Pilipino, sinabi ng AFP na mas palalakasin pa nila ang kanilang operasyon sa mga teritoryo ng bansa.
“Of course sir with any incident that we get we will fortify our mission accordingly,” dagdag ni Padilla.
“We will assure the public that were continously doing our regular operations in our territorial waters,” ayon pa kay Padilla.
Pinangako rin ng AFP na sila ay nakasuporta bagamat kumikilos na ang PCG upang tugunan ang nasabing isyu.
“The Coast Guard already gave their statement na po silang data na nakuha so they are already in talks with the fishermen there so in the side of AFP po we will support however way the Armed Forces can support in this issue” aniya.