PINADAGDAGAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang ayuda na ibibigay sa mga mahihirap na pamilya o benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa isang talumpati sa ginanap na ceremonial signing sa Malakanyang, ipinag-utos ni Pangulong Duterte kay Finance Secretary Carlos Dominguez III na taasan ang halaga ng ayuda na mula sa itinakdang P200 kada buwan, nais niya itong gawing P500 bawat buwan.
Iniatas ng Punong-Ehekutibo kay Dominguez na gumawa ng paraan upang maging limang daang piso bawat pamilya kada buwan ang maipamahagi ng gobyerno.
Sa mahigit tatlong buwang nalalabing panahon ng panunungkulan, ay ipauubaya naman ni Pangulong Duterte sa susunod na administrasyon ang patuloy na paghahanap ng pera upang tuluy-tuloy ang distribusyon ng ayuda.
Una nang iprinisinta ng Department of Finance (DOF) ang naturang monthly subsidy upang maibsan lamang ang hirap na dulot ng magkakasunod na taas-presyo ng gasolina.
Nasa 12 milyong mahihirap na pamilya naman ang makikinabang sa naturang cash aid.