NAGPAHAYAG ng suporta si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling iimplementa ng Inter Agency Task Force ang mandatory COVID-19 vaccination para labanan ang sakit.
Ang naturang pahayag ng Punong Ehekutibo ay sa ginanap na pakikipagpulong ni Pangulong Duterte kasama ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 at medical experts sa Malakanyang.
Ito naman ay sa gitna ng banta ng bagong usbong na Omicron COVID-19 variant.
“As a worker of government also in charge [of] the overall operation of the government, I may agree with the Task Force if they decide to make it mandatory. It’s for public health,” pahayag ng Pangulo.
Doon naman sa mga ayaw magpabakuna, pinayuhan ni Pangulong Duterte ang mga ito na huwag na lang lumabas ng tahanan.
Gayunman, batid ng Chief Executive na kinakailangan ng batas para obligahin ang mga Pilipino na tanggapin ang COVID-19 vaccine shots.
Pero sa kabilang banda naman ay maaari ring gumamit ang gobyerno ng police power para ipilit sa mamamayan na tanggapin ang bakuna kontra coronavirus.
“The ministerial functions of government are: government can issue measures that would protect public health, public safety, public order, it’s in the police state, naka-ano ‘yan sa category police state. So in some countries, mandatory na. Dito, maingay ang Human Rights,” ayon sa Pangulo.
Samantala, ipinanukala naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang pagpapatupad ng mas pinahigpit na vaccination rules.
“I would really suggest sir that let us be very hard or strict on pursuing people to take the vaccination… Hindi pa naman natin ima-mandatory but at least we’ll make it harder for them to leave while there is pandemic because — that’s because of mutation sir eh kung hindi maa-achieve ‘yung herd immunity,” pahayag ni Año.
Ani Año, may ilang lokal na pamahalaan sa bansa ang nagdeklara nang gawing mandatory ang COVID vaccination.
“We have already LGUs who are announcing, declaring mandatory, and actually, we are encouraging them. Number one is Mayor Chavit Singson. Nag-announce na po siya na sa bayan niya hindi na welcome ang unvaccinated,” ani Año.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Pangulong Duterte ang kanyang hinagpis sa pagpanaw ng ilan sa mga kaibigan nito dahil sa COVID-19.
Kaya hindi lubos maisip ng presidente kung bakit mayroon pa ring mga indibidwal na ayaw magpaturok ng COVID-19 vaccine.
Ang pagiging bukas ni Pangulong Duterte sa polisiyang mandatory vaccination ay kasunod ng nakababahalang Omicron variant na unang na-detect sa South Africa.
Samantala, hinikayat ni Pangulong Duterte na gawing bukas araw-araw ang mga vaccination site para maakumoda ang mas maraming indibidwal na masyadong abala sa weekdays.
“We make the — actually the vaccine stations open kung maaari Monday to Sunday. Even if it would mean a lesser crowd. Ang importante kasi dito mabakuna because isang hawa ito, hawa lahat,” ani Pangulo.
Muli namang nagpaabot ng panawagan ang Punong Ehekutibo sa publiko na makiisa sa 3-day nationwide vaccination drive mula kahapon, Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 na tinaguriang “Bayanihan, Bakunahan” program.
Target ng gobyerno na makapag-fully vaccinate ng kabuuang 54 million na mga Pilipino sa katapusan ng taon.