Panibagong kaso ng COVID-19 sa NCR, posibleng pumalo sa 20K ngayong araw —OCTA

Panibagong kaso ng COVID-19 sa NCR, posibleng pumalo sa 20K ngayong araw —OCTA

POSIBLENG umabot sa higit 20,000 ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 ngayong araw sa National Capital Region (NCR) ayon sa OCTA Research Group.

Batay sa monitoring ng independent group na OCTA Research posibleng papalo sa 20,000 ang bagong kaso ng COVID-19 ngayong araw sa Metro Manila.

Paliwanag ni Dr. Guido David, bahagya pang tumataas ang positivity rate at reproduction number sa Pilipinas kasunod ng dumaraming bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19 sa iba’t ibang rehiyon.

Dahil dito aniya may itataas pa ang bilang ng mga kaso sa NCR na maaaring umabot sa 25,000.

Dagdag ni David na posibleng bababa ang bilang na maitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa NCR sa katapusan ng Enero o sa pagpasok ng Pebrero.

Ito ay dahil immune na ang mga tao sa virus at  kakaunti na lang din ang lumalabas ng bahay.

NCR, nangunguna pa rin sa may pinakamaraming COVID-19 cases na naitatala

Nangunguna pa rin ang Metro Manila sa mga rehiyon na may pinakamaraming naitatalang kaso ng COVID-19 sa buong bansa kahapon.

Batay sa Twitter post ni David, nakapagtala ang NCR ng 18,629 na bagong kaso na sinundan ng Cavite, Rizal, Bulacan at Laguna.

Sa NCR, Quezon City ang nangunguna sa may pinakamaraming bagong kaso na umabot sa 4668. Sumunod naman ang mga lungsod ng Manila, Pasig, Caloocan at Makati.

Sa kabila nito, nakikita ng OCTA Reasearch na bumabagal ang positivity rate sa NCR na isang indikasyon na maaring maabot na ng NCR ang peak ng bilang ng COVID cases.

Sa kabuuan, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 33,169 na panibagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas kahapon.

Mas mataas ito kumpara sa 28,707 na kaso noong Linggo kung saan ito na ang pinakamataas na naitalang kaso simula nang tumama ang COVID-19 sa bansa.

Dahil dito, umabot na sa 2, 998, 530 ang kabuuang kaso sa bansa.

Posible ngayong araw ay pumalo na sa tatlong milyon ang kabuuang kaso na maitatala sa buong bansa.

Follow SMNI News on Twitter