NAGLABAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng Executive Order (EO) No. 50, na nagpapanatili ng temporary modification sa mga rate ng import duty sa mga produktong bigas, mais, at karne.
Nilalayon nitong matiyak ang abot-kayang presyo ng mga bilihin sa gitna ng nagbabantang epekto ng El Niño phenomenon at African swine fever (ASF).
Sa pagpapalabas ng EO, binanggit ni Pangulong Marcos ang negatibong epekto ng El Niño sa presyo at produksiyon ng bigas at mais, gayundin ang patuloy na paglaganap ng ASF at ang paghihigpit sa kalakalan sa ilang exporting countries na makaaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang anim na pahinang EO noong Disyembre 22.
Inihayag ni Pangulong Marcos na ang kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya ng Pilipinas ay ginagarantiyahan ang pagpapalawig ng aplikasyon ng pinababang tariff rates sa bigas, mais, at karne ng mga produktong baboy upang mapanatili ang abot-kayang presyo sa merkado.
Sa ilalim ng Section 1608 ng Republic Act No. 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act, ang Pangulo ay binigyan ng kapangyarihan na taasan, bawasan o tanggalin ang mga kasalukuyang rate ng import duty sa interes ng pangkalahatang kapakanan at pambansang seguridad at sa rekomendasyon ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Inendorso ng NEDA Board ang pansamantalang pagpapalawig ng pinababang Most Favored Nation (MFN) rates noong Disyembre 14, 2023 sa ilalim ng Executive Order No. 10 sa bigas, mais at karne ng baboy (sariwa, pinalamig o frozen) hanggang Disyembre 31, 2024.
Inutusan ng Pangulo ang NEDA Committee on Tariff and Related Matters na isumite ang findings at recommendations sa semestral at annual review ng tariff rates kasama ang analysis at monitoring ng subject commodities.
Ang import duty ay isang buwis na kinokolekta sa mga pag-import at ilang pag-export ng Customs authorities ng isang bansa.