ITINUTULAK ni Sen. Robin Padilla ang mas mabigat na parusa kasama ang kamatayan laban sa sexual assault sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kasalukuyang Anti-Rape Law of 1997.
Sa Senate Bill 2777 na ihinain nitong Lunes, layunin ni Padilla ang tiyaking hindi lang mas malakas ang ating mga batas kundi mas “gender-responsive,” dahil parehong lalaki at babae ang biktima ng sexual assault.
Ani Padilla, nakasaad sa 1987 Constitution ang pagbigay ng kahalagahan sa paggalang sa karapatang pantao.
Mismo ring Saligang Batas ang nagtakda sa Kongreso na bigyang prayoridad ang batas na protektahan ang karapatan sa dignidad.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Padilla, ang reclusion perpetua hanggang kamatayan ay ipapataw kung:
* Ang rape ay ginawa na gamit ang deadly weapon o ginawa ng dalawa o higit pang tao;
* Ang biktima ay nasiraan ng bait dahil sa nangyaring rape;
* May homicide na nangyari sa pagtangkang rape
* Ang rape ay ginawa kasama ang “aggravating or qualifying circumstances”.