INIHAYAG ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Atty. George Garcia na mapayapa sa kabuuan ang naging filing ng Certificates of Candidacy (COC) mula Nobyembre 4 – 9 para sa BARMM elections.
Ayon kay Garcia, nasa mahigit 100 ang naghain ng COC para sa parliamentary elections habang anim naman ang nagsumite para sa regional political parties.
Ang ganitong bilang ayon kay COMELEC chief, ay welcome sa komisyon dahil nagpapakita ito na marami ang gustong lumahok sa kauna-unahang parliamentary elections kahit pa may banta na hindi matuloy ang naturang eleksiyon sa Mayo 12, 2025.
Narito ang pahayag ni COMELEC Chairman Garcia.
“109 na mga aspirants ang nag-file ng kanilang certificates of candidacy at halos 6 na mga regional political parties. ‘Pag tiningan, 109, 95 na parliamentary seats ang at stake at halos apat ang kandidato sa bawat seat. Kung i-aaverage natin, hindi na maliit na bilang at therefore, nakakatuwa. Ibig sabihin madami ang may interes na tumakbo sa Bangsamoro Parliamentary Elections. Kauna-unahan. Bagamat mayroong banta o maaring balita na hindi matuloy ang bangsamoro parliamentary elections.”
“Naging maayos ang filing ng certificates of candidacy. Walang anumang untoward incident. Walang kahit anong kaguluhan o iregularidad na nangyari doon sa naging filing natin. ‘Yan ay pagpapakita ng pagiging mature bilang bansa at sana nga sa darating na halalan, pagdating pa lang ng campaign period ganyan na rin ang masasaksihan natin,” wika ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.