Pasilidad para sa mga pasaherong hindi pinayagang pumasok sa Pilipinas, tiniyak ng MIAA

Pasilidad para sa mga pasaherong hindi pinayagang pumasok sa Pilipinas, tiniyak ng MIAA

MAIBABALIK na ang mga pasilidad sa mga excluded passenger o sa mga banyagang pasaherong hindi pinayagan ng Bureau of Immigration na pumasok ng bansa.

Ayon sa Bureau of Immigration (BI), alinsunod sa Section 36 of the Philippine Immigration Act of 1940 na inamyendahan ay nag-aatas na ang excluded passengers ay dapat agad na ibalik sa bansang pinanggalingan sakay sa parehong sasakyan na nagdala sa kanila, maging ito ay eroplano o sasakyang pandagat na sagot ng airlines o barko.

Pinangangasiwaan naman ng BI ang immigration policies at procedures na nagpapatupad ng mga nauugnay na batas at regulasyon.

Nilinaw ng BI na ang pagbibigay ng mga kinakailangang pasilidad tulad ng Exclusion Room sa mga excluded passenger ay nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng airport management authorities.

Ang mga awtoridad na ito ay may tungkulin sa pagpapanatili at pamamahala sa mga pasilidad ng paliparan upang suportahan ang mahusay at maayos na pagsasagawa ng air travel operations.

Habang ang BI ay nagpapatupad ng mga patakaran at pamamaraan sa imigrasiyon, kabilang ang identification at processing sa mga ibinukod na indibidwal, ang responsibilidad naman para sa agarang deportation ng mga excluded passenger ay nakasalalay sa mga airlines operator na suportado ng airport management authorities sa pagbibigay ng mga kinakailangang pasilidad at logistical support.

Sa tala ng BI sa taong 2023, higit sa 3,300 alien ang hindi pinapasok ng ahensiya sa Pilipinas, matapos matuklasan na hindi wasto ang kanilang mga dokumneto, blacklisted, o may kaduda-dudang layunin na makapasok sa bansa gayundin ang iba pang paglabag sa immigration law.

Araw ng Huwebes, nakipagpulong si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Ines sa Airline Operators Council (AOC) at Philippine Airlines (PAL) upang talakayin ang mga excluded passenger na hindi pinapasok ng Bureau of Immigration.

Sa isang pagpupulong, pinaalalahanan ni GM Ines ang responsibilidad ng mga airline sa mga naturang pasahero at ang pangangailangang maibalik sa lalong madaling panahon sa kanilang mga pinaggalingang bansa.

Nag-alok ang Airline Operators Council (AOC) na magsumite sa MIAA ng panukala kung paano tutugunan ang pangangasiwa sa mga excluded passenger na maaaring tumagal ng oras para makabalik sa kanilang bansang pinagmulan.

Ang panukala ay tatalakayin kasama ang BI para matiyak na walang probisyon sa ilalim ng Immigration Act ang nilabag.

Sinabi naman ng Philippine Airlines na ilalagay nila ang kanilang excluded passenger   sa kanilang lounge na ginagawa pa rin sa NAIA Terminal 1.

Habang ang mga pasahero ng iba pang airlines na may existing lounges sa Terminals 1 at 3 ay maaaring ma-accommodate sa loob ng kanilang lounges.

Para naman kay Ines, maaaring gamitin ng mga airline ang MIAA Passenger Lodging Facilities (PLF) para sa layuning ito ngunit sasailalim pa rin ito sa mga alituntunin ng paggamit tulad ng nakasaad sa MIAA Memorandum Circular No. 3, series 2019.

Ang naturang pasilidad ay para sa transiting passengers alinsunod sa pinaiiral na tuntunin, bibigyan din ng prayoridad ang mga excluded passenger.

“The airlines may also use MIAA Passenger Lodging Facilities (PLF) for this purpose but subject to the guidelines of its use as stated in MIAA Memorandum Circular No. 3, series 2019.  We provide these facilities primarily for transiting passengers but under our guidelines, excluded passengers are given priority,” ayon kay Eric Ines, General Manager, MIAA.

May lodging facility rin sa NAIA Terminal 3 na iniaalok ang MIAA na kayang tumanggap ng 33 pasahero.

Mayroon din sa NAIA Terminal 1, na isang bago at pinahusay na pasilidad na lodging facility ang malapit nang magbukas.

Follow SMNI NEWS on Twitter