SA ginanap na Proclamation rally ng Duterte Senatorial Lineup sa ilalim ng PDP-Laban Party, ipinahayag ni Pastor Apollo C. Quiboloy, lider ng The Kingdom of Jesus Christ (KOJC), ang kaniyang plataporma at adbokasiya bilang isa sa mga kandidatong sinusuportahan ni dating Pang. Duterte at ng kaniyang partido.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Pastor Quiboloy ang kaniyang pangako na labanan ang korapsyon, isulong ang kapakanan ng bawat Pilipino, at gawing mas maunlad at malinis ang bansa. Giit ni Pastor Quiboloy, sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Duterte, nakaranas ang bansa ng “Golden Age” o renaissance sa ekonomiya, imprastraktura, at peace and order.
“Nilabanan ng ating pangulo ang mga makakaliwang teroristang grupo at iligal na droga, mga salot sa lipunan. Dadalhin natin ang laban na ito sa senado, gagawa ng mga batas na tututok na mabigyan ng maginhawa at mabuting pamumuhay ang bawat Pilipino,” ayon kay Pastor Apollo C. Quiboloy.
Zero corruption, pangunahing adbokasiya
“Wag nating hayaan na ang kaban ng bayan ay lapastanganin ninuman,” wika ng Butihing Pastor.
Zero Corruption nga ang pangunahing plataporma ni Pastor Quiboloy dahil para sa kaniya ito ang pangunahing dahilan ng kahirapan.
“Ang pera ng taumbayan ay para sa pampublikong kapakanan. Hindi sa bulsa ng kahit sinuman,” ayon kay Pastor Quiboloy.
Kabilang rin sa kaniyang mga panukala ang pagpapatupad ng “Death Penalty” para sa mga korap na opisyal ng pamahalaan at ang pagbuo ng isang “Truth Commission” kung saan magsasagawa ng transparency at accountability sa mga opisyal.
Binanggit rin ni Pastor Quiboloy ang mga programa at proyekto ng The Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na naglalayong mapabuti ang buhay ng mga Pilipino. Kabilang dito ang Children’s Joy Foundation, Inc. para sa mga batang naulila, Keepers Club International para mailayo ang kabataan sa droga at masamang impluwensya, at Jose Maria College Foundation, Inc. na nakapagpatapos na ng mga propesyonal tulad ng mga abogado at doktor.
Dagdag pa rito, ang KOJC ay aktibo rin sa pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng Sonshine Philippines Movement at pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad sa pamamagitan ng SMNI Foundation, Inc.
“Limitado man ang aming resources ngunit napalago ang simbahan mula sa Davao City hanggang sa iba’t ibang panig ng daigdig. Mula pa noon, aktibo ring tumutulong ang KOJC sa lipunan at pamahalaan sa pamamagitan ng mga humanitarian programs,” wika ni Pastor Quiboloy.
Bilang isang spiritual leader at kandidato sa senado, naniniwala si Pastor Quiboloy na ang tunay na pagbabago ay magmumula sa pagwawakas ng korapsyon at pagtataguyod ng hustisya at katotohanan.
“Naniniwala ako na panahon na upang magkaroon ng tunay na lider sa senado,” wika niya. Dagdag pa ni Pastor Quiboloy, “Huwag natin hayaang manaig ang mga gahaman sa pera at kapangyarihan.”
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa plataporma at mga panukala ni Pastor Apollo C. Quiboloy, bisitahin ang apolloquiboloynationbuilder.com