SUPORTADO ni Rev. Dr. Pastor Apollo C Quiboloy ang pagtakbong pangulo ng bansa sa 2022 elections ni Senator Christopher ‘Bong’ Go.
Ito ay matapos ikonsidera ang nais ni Pangulong Duterte na tumakbo ang Senador sa Presidential race para matiyak ang continuity ng mga programa ng administrasyon.
Kaya para sa numero unong taga suporta ng Duterte administration na si Pastor Apollo C. Quiboloy, tadhana ang nagtulak kay Sen. Go sa presidential race.
Ginawa ng butihing Pastor ang kanyang komento sa live Powerline program ngayong araw.
Tiniyak ni Pastor Apollo ang pagsuporta sa kandidatura ni Senator Go.
“Minsan nasasabi ko nga, Mayor (PRRD) wala talagang ibang makapagpapatuloy nito kung hindi tatakbo si Mayor Inday sa pagkapangulo kundi si Senator Bong Go. Napag-usapan namin yon. Ngayon nagkatotoo na nga,’’ayon kay Pastor Apollo.
‘’Kung tatanungin ninyo kung saan ako? Kung saan ang desisyon ng ating Pangulo doon ako,”dagdag nito.