Labing-isang demoralisadong NPA sa Bukidnon, sumuko

Labing-isang demoralisadong NPA sa Bukidnon, sumuko

BOLUNTARYONG sumuko ang 11 regular na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Bukidnon kabilang ang isang batang miyembro ng Guerilla Front Mayag, Sub-Regional Committee 2 (SRC2) ng North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC).

Sumurender ang naturang mga rebelde sa pinagsamang elemento ng 88th Infantry  Battalion, Military Intelligence Battalion, at 3rd Infantry Battalion.

Ang nangyaring pagsuko ay bunga ng patuloy na kampanya ng yunit laban sa nasabing teroristang grupo sa bulubunduking lugar ng Pantaron Mountain Ranges, na sumasaklaw sa Malaybalay City, San Fernando, at Cabanglasan Bukidnon.

Bitbit ng mga sumukong rebelde ang limang M16A1 Riffle, isang M203 Grenade Launcher, mga pampasabog at bala sa Headquarters 88IB, Barangay Poblacion, Maramag Bukidnon noong Nobyembre 17, 2021.

Kinilala ang mga sumuko na sina Micheal B. Mantikinon alyas Kimay/Dallas, 27 taong gulang na isang commanding officer ng Front Operational Command.

Kasama ni Mantikinon ang kanyang asawang komunista na si Irish B Arcayan alyas Trixie/Aiai, political instructor.

Kabilang sa sumuko ang siyam na iba pa na nagpasya na ring magbalik-loob na sa pamahalaan.

Una nang dinakip si Ramil Banawan alias ​​Migs, ang kanilang front secretary ng 88th Infantry Maringal Battalion sa Mt. Kumong Tabanog, Sitio Lugayaran, Barangay Palacpacan, San Fernando Bukidnon noong Oktubre 25, 2021.

Ayon kay Alias ​​Kimay, pagod, gutom, kulang sa tulog at kagustuhang makapiling ang kanilang mga pamilya at mga mahal sa buhay ang nag-udyok sa kanila para tuluyan nang talikuran ang armadong pakikibaka.

Ibinunyag pa nila na ang pagkawala ng kanilang mga pinuno at ang tuluy-tuloy na operasyon ng militar sa kanilang mga baseng gerilya ay naging dahilan nang pagkabuwag ng kanilang grupo.

Itinurn-over sa Municipal Social Welfare and Development Office ng Quezon, Bukidnon ang 17-taong gulang na menor de edad na miyembro ng nasabing grupo para sumailalim sa interview at stress debriefing.

Ang patuloy na pagre-recruit ng ating mga kabataan para maging batang sundalo ay isang patunay ng kawalang-galang ng CTG sa Human Rights at isang malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law.

BASAHIN: 5 NPA sumuko sa Mt. Province matapos mamatayan ng kasamahan

SMNI NEWS