Pastor Apollo C. Quiboloy, tiwala sa resulta ng mga political survey

Pastor Apollo C. Quiboloy, tiwala sa resulta ng mga political survey

NAGPAHAYAG ng tiwala si Pastor Apollo C. Quiboloy sa mga lumalabas na resulta sa political survey.

Ang pahayag ay ginawa ni Pastor Apollo sa kanyang programang Powerline, araw ng Huwebes.

Ayon kay Pastor Apollo madalas na nagkakatotoo ang mga ipinapakitang resulta ng mga survey kung kayat ito ang kanyang nagiging matibay na batayan.

“Mula’t mula pa ang mga survey ng SWS, Pulse Asia pag sinunod mo pagdating ng eleksyon, ‘yun talaga ang nangyayari. So, anong basis eh ‘yung survey nga kaya nagsu-survey eh pero kailangan mga legitimate na survey company,” ayon kay Pastor Apollo.

Ang pahayag ng butihing Pastor ay batay sa sinabi ng kampo ni presidential candidate Isko Moreno na hindi sila naniniwala sa survey.

“We can say that there was not enough traction as yet when Pulse Asia did its field work,” pahayag ni Ernest Ramel, Chair, Aksyon Demokratiko.

Sa Pulse Asia presidential survey na isinagawa mula Enero 19 hanggang 24 ngayong taon ay nasa pangatlong pwesto si Moreno kung saan magkapareho sila ng nakuhang porsyento ni Senator Manny Pacquiao.

Halos kapareho lang din ang resultang lumabas sa SWS survey na ginawa mula Enero 29 hanggang 31, kung saan nasa pangatlong pwesto pa rin si Isko, kapantay ni Pacquiao.

Sa parehong presidential survey,  nangungunang choice ng mga Pilipino sa pagkapresidente ang dating senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, na sinundan ni Vice President Leni Robredo sa ikalawang pwesto at panglima naman si Senator Ping Lacson.

“SWS, Pulse Asia legitimate yan kaya kung masundan natin sa kanilang surveys mula’t mula pa, yun talaga ang nangyayari tuwing eleksyon kung kaya’t yun ang batayan kaya’t hindi totoo dito yung sinasabi na hindi totoo ang survey,” ani Pastor Apollo.

Follow SMNI News on Twitter