HINDI kailanman magiging biased ang Sonshine Media Network International (SMNI).
Ito ang binigyang-diin ni Pastor Apollo C. Quiboloy, kasunod ng insidente kung saan paulit-ulit na hinawi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mikropono ng SMNI reporter na nagkober sa kanyang kampanya kamakailan lang.
Bukod dito, sinabihan pa ng alkalde ang SMNI reporter na biased ang SMNI.
Sa kanyang programang Powerline, sinabi ni Pastor Apollo na hindi kailanman magiging biased ang SMNI.
Nagkataon lang ayon sa butihing Pastor na may programa sa SMNI ang katunggali ni Belmonte na si Cong. Mike Defensor.
Nilinaw din ni Pastor Apollo na maaari rin namang magkaroon ng programa si Belmonte sa SMNI kung gugustuhin nito.
Gayunman, iginiit ni Pastor Apollo na ang ugaling ipinakita dito ni Belmonte ay isang kabastusan dahil isa siyang chief executive ng isang lungsod at hindi aniya ito nakabubuti para sa alkalde.
”It doesn’t mean na babastusin mo ang SMNI nang dahil sa ang kalaban mo ay may programa diyan sa istasyon, so very narrow-minded iyon. Sana ay maliwanagan ang Mayor ng Quezon City Joy Belmonte na ang pag-uugaling ganun hindi dapat na makita at hindi dapat na maipamalas kasi you are a chief executive of a city. Hindi biased ang SMNI. Kahit ikaw pwede kang magprograma doon sa SMNI kung gusto mo,” ayon kay Pastor Apollo.