Endorsement ni PRRD, malaking impact sa kandidatura ng isang presidential candidate – Abella

Endorsement ni PRRD, malaking impact sa kandidatura ng isang presidential candidate – Abella

MALAKING impact sa kandidatura ng isang presidential candidate ang endorsement mula kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ito ang inihayag ni dating presidential spokesman at former Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella sa ginanap na The Deep Probe: The SMNI Presidential Candidates Interview sa Okada Manila.

Dagdag pa ni Abella, naniniwala siya sa abilidad ng mga botante pagdating sa pagpili ng kandidato na dapat iluklok sa posisyon.

“Natural malaki ang impact nun, on the other hand choice kasi ng presidente ‘yun. Ako, naniniwala rin sa abilidad ng ating electorate to be able to discern kung ano talaga, kung sino talaga ang dapat nilang ilagay, iluklok. So, well it’s both very important, on the other hand, I trust the electorate, ‘yung bumoboto,” ayon kay Abella.

Una nang inilahad ng Malakanyang na wala pang pinal na sinasabi si Pangulong Duterte kung sino ang ine-endorso niyang presidential candidate kahit pa nakipagpulong siya kay dating Senador Bongbong Marcos.

Dahil d’yan, umaasa rin si Manila Mayor at Presidential candidate Isko Moreno na susuportahan siya ng Pangulo.

Samantala, inihayag ni Abella na mahalagang ipagpapatuloy ng susunod na mamumuno ng bansa ang mga magagandang nagawa ng administrasyong Duterte.

Kasama na rito ang 10-point policy agenda ng Economic Development Cluster para magtuloy-tuloy ang ‘recovery’ ng bansa.

Kamakailan lang, pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Executive Order (EO) No. 166 na magpapalakas ng implementasyon ng 10-point-policy agenda.

“Alam mo ang understanding ko eh dapat ‘yung mga susunod na administrations dapat dugtong-dugtong, for example idikit natin sa kung ano man ‘yung magandang nagawa, andaming magandang nagawa eh. Not necessarily everything kasi nagbago na rin naman ang panahon eh. Ano ‘yung nagawa dapat idugtong natin doon. So, ‘yung ten point agenda na ‘yan marami syang good points doon,” ani Abella.

Una rito, tiwala ang Palasyo na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang pandemic recovery plan na nakasaad sa EO No. 166 na nilagdaan ng Punong-Ehekutibo.

Nagpahayag naman ng mensahe si Abella patungkol sa naganap na presidential interview, aniya, mas malalim man ang usapan, ay mas relaxed ang naging setup.

Mas maganda rin ang format dahil nakatuon ang mga tanong sa plataporma ng bawat kandidato.

“Tama ‘yung nabansagan siyang The Deep Probe. Personally I felt it was easier. In fairness it was based in my platform lahat naman ng mga tanong nila was based on your platform so the assumption is alam mo ‘yung pinag-uusapan mo,” ayon pa ni Abella.

Nagpahayag naman ng pagbati si Abella kay Pastor Apollo C. Quiboloy dahil sa programang The Deep Probe ng SMNI.

“Pastor Quiboloy, this is a great idea, this is a great job and we wish all the best. Thank you,” dagdag ni Abella.

Follow SMNI News on Twitter