MASAYANG nagpahayag ng kaniyang saloobin si Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ sa magandang balitang patuloy na dumadami ang nagbabalik-loob sa gobyerno mula sa pagiging kalaban nito.
Kasunod ito ng pagbabalik-loob sa pamahalaan ng mahigit 755 miyembro ng makakaliwang grupong Anakpawis at Kadamay mula sa Kasiglahan Village sa Rizal.
“Hindi ko makapagpigil sa naririnig ko sa sobrang kasayahan ng puso ko na ang mga tao nagbabalik-loob mula sa panloloko nila,” pahayag ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Pinatsudahan din ng butihing Pastor ang kongresistang si Rauol Manuel na kinontra ang pagsuko ng mga dating rebelde at sinasabing pinuwersa lang ang mga ito na lumagda ng mga dokumento.
“Kongresista ka ng Congress of the Philippines, Congress of the Republic of the Philippines, pagkatapos kinokontra mo kung ano ginagawa ng gobyerno natin? Na kabutihan sa mga mamamayan? Hindi ka natuwa na sila ay nag renounce, nag denounce at kanilang binitiwan ang kanilang mga maka komunistang mga gawa na kayo ang may turo?” dagdag ng butihing Pastor.
“Di ba maliwanag na kung sino ka, sino kayo pagkatapos iuugnay namin kayo, umiiyak kayo, red tagging. Yun ang pangontra nyo,” dagdag ng butihing Pastor.
Pastor Apollo, may hamon sa mga nagsusulong ng ‘Human rights defenders bill’ sa Kamara
Samantala, nagbitiw ng maanghang na pahayag si Pastor Apollo hinggil sa isinusulong na ‘Human Rights Defender Bill’ ng mga makakaliwang grupo sa Kamara.
Matatandaan na ito ay unang isinulong ni 1st District Albay Representative Edcel Lagman na sinuportahan ng Kagat Party-lists sa Kongreso na binubuo ng Kabataan Party-list, Gabriela at ACT Teachers.
Ayon sa butihing Pastor, mawawalan ng ngipin ang ‘Anti-Terror Law’ kung ma-aprubahan ang nasabing panukala.
“’Wag kayong magpaloko dito kasi ang taong bayan ay mulat na. Wag na nating payagan itong mga teroristang grupong ito na ginagamit ang batas natin para sirain ang ibang batas na susugpo sa mga terorismong gawa. Magtatago na naman ang mga ahas.”
“Itong Human Rights Defenders Bill nila. Kaninong proteksiyon ang ginagawa nila dito? Pinoprotektahan na naman nila ang kanilang pangre-recruit, ang kanilang mga ahenteng nakalantad.”
“Pag pumasok sa kanilang sanctuary, ay naku hindi na pwede tapos sila pa ang malayang magtuturo sa mga paaralan. Mawawalan na ngayon ng pangil ang Anti-Terror Law, ‘yan ang gusto nila,” pahayag ni Pastor Apollo.
Tinawag din ni Pastor Apollo ang naturang panukala na ‘Communist Terrorist Group Defenders Bill’ dahil ang pinoprotektahan nito ay ang mga gawa at panlilinlang ng teroristang komunistang grupong CPP-NPA-NDF.
“Actually ang pangalan nito ay ‘communist terrorist group defenders bill’ pinoprotektahan nito ang mga komunista, NPA at kanilang front organization na hindi na makagalaw dahil sa Anti-Terror Law,” dagdag pa ni Pastor Apollo.
Kaugnay nito, hinamon ng butihing Pastor ang mga kongresistang operatiba ng CPP-NPA-NDF na nagsusulong sa naturang panukala.
“Kung totoo kayo, pumunta kayo sa SMNI, tumawag kayo, bibigyan kayo ng panahon. Harapin nyo sila Dr. Lorraine Badoy, ilantad sa mamamayan, himay-himayin natin,” pagtatapos ng butihing Pastor.