HABANG hinihintay ng Department of Migrant Worker (DMW) ang update mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ) tungkol sa posibleng pagpapauwi kay Mary Jane Veloso mula Indonesia, ay tiniyak ng ahensiya ang patuloy na pakikipag-ugnayan at pagkakaloob ng tulong sa pamilya ni Mary Jane Veloso dito sa Pilipinas.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na anumang logistical o transport assistance na kailangan ng pamilya, financial at livelihood assistance—lahat ng ito ay pwede pang ibigay ng ahensiya bukod sa mga naunang tulong.
“We continue to keep in touch and we’ll properly provide the necessary guidance and welfare assistance as well to Mary Jane’s family,” ayon kay Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.
Kaugnay naman ng mga susunod na hakbang kapag nakauwi na nga ng Pilipinas si Mary Jane, sinabi ni Cacdac na ayaw niyang pangunahan ang usaping ito, bagkus sila’y magdedepende sa abiso ng DFA at DOJ.
“I will not try to preempt or say anything in advance ‘no, ng panunumbalik ni Mary Jane. I know, may konteksto iyong pinag-uusapan na panunumbalik ni Mary Jane, in the context of the existing case in Indonesia. I won’t venture into the details,” dagdag ni Cacdac.
Ipinaliwanag ng kalihim na ‘welfare side’ ang tinututukan ng DMW, na kung makauwi na ng bansa si Mary Jane, gagawa sila ng effort na bisitahin siya, tingnan ang kaniyang kalagayan at ibigay ang kinakailangang tulong sa kaniya sa ilalim ng awtoridad at pakikipag-koordinasyon pa rin sa DFA at DOJ.
At kung kailangan aniya nitong tulungan ang pamilya ni Mary Jane na makita at bisitahin siya, ay tutulong ang DMW sa bagay na ito.
Sentensiya ni Mary Jane Veloso, naibaba sa life sentence mula sa parusang kamatayan
Samantala, iniulat ng pangulo na nakumbinsi ng pamahalaan ng Pilipinas ang Indonesia na maibaba ang sentensiya ni Veloso sa life sentence o panghabangbuhay na pagkabilanggo mula sa parusang kamatayan.
Sa panahon pa aniya ni dating Indonesian President Joko Widodo, naibaba ang sentensiya ni Mary Jane.
Binigyan naman ng pagkilala ng Pangulo ang mga pagsisikap na ginawa ng mga nagdaang administrasyon upang mailigtas sa death penalty si Veloso.
Hindi naman masagot pa ng Punong-Ehekutibo kung bibigyan nito ng clemency si Veloso pagbalik sa bansa bunsod ng ilang kadahilanan.
Sa inilabas naman na joint statement ng DFA at DOJ, nakasaad dito na sa paglipat ni Mary Jane Veloso mula sa Indonesian government tungo sa gobyerno ng Pilipinas, ay tiniyak nitong igagalang ang mga ilalatag na kondisyon para rito.
Partikular na ang pagsisilbi ng sentensiya ni Mary Jane sa Pilipinas, maliban sa parusang kamatayan na ipinagbabawal sa ilalim ng ating batas.
Ang mga kondisyon para sa paglipat ni Veloso ay pinag-uusapan pa kasama ang Indonesia.