PBBM, binisita ang mga binaha sa Caraga

PBBM, binisita ang mga binaha sa Caraga

PATULOY ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang nasalanta ng malawakang pagbaha dulot ng Low Pressure Area (LPA) sa Caraga Region.

Nitong Biyernes, Pebrero 16, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang situation briefing sa Prosperidad, Agusan del Sur.

Sa nasabing pulong, ibinahagi ni Agusan del Sur Gov. Santiago Cane Jr. ang lawak ng naging pinsala ng kalamidad sa kaniyang nasasakupan.

Sinabi naman ng Pangulo sa mga lokal na opisyal na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno upang matiyak ang agarang pagtugon sa mga apektadong lugar.

Pinatitiyak niya sa mga opisyal ng pamahalaan ang access sa gamot at maiinom na tubig ng mga residente.

Bilang tugon, inilahad ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa Jr. na naibigay na nila ang quick release funds sa kanilang regional office sa Caraga.

Dagdag ng kalihim, nakabigay na rin ang ahensiya ng ilang mga gamot.

“The regional office has already provided some of the medicines, some of them are for the wash, water and sanitation and hygiene. We provided already a bladder (tank) for water. And we also provided aqua tabs because we detected coliforms in the water source, so we are trying to avoid any outbreak in waterborne diseases,” ayon kay Sec. Teodoro Herbosa Jr., DOH.

Binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos ang pangangailangang magbigay ng mas pinalawig na solusyon upang matugunan ang limitadong pinagkukunan ng maiinom na tubig sa mga lugar na lubog pa rin sa baha.

Binanggit niya na ang national government, sa pamamagitan ng pagsisikap ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ay nakapagpapahiram ng water purification machines sa mga apektadong rehiyon.

“We’ll continue to provide what we can but we have to have long term, a more extended solution and what we usually do sa ibang lugar, nagpapadala kami ng purification system na galing pa sa MMDA ‘yung iba,” dagdag ni ni Pangulong Marcos.

Inihayag naman ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. na may natitira pang 15 units ng water purification machines na maaaring ipahiram sa Caraga.

Ilan kasi sa mga unit nito ay kasalukuyang naka-deploy sa Davao Region.

‘‘Mayroon pa naman pong naiwan sa Metro Manila. Puwede pong mapapadala maski mga labing-limang makina. One machine can provide 185 gallons per hour,’’ ayon kay Sec. Benhur Abalos Jr., DILG.

Hinggil naman sa agrikultura, nakahanda ang Department of Agriculture (DA) na magkaloob ng mga punla, pataba, makinarya at iba pang kagamitan sa sakahan para makabawi ang mga magsasaka mula sa kanilang pagkalugi dahil sa baha.

Structural assessment sa gusali ng PAGASA sa Agusan del Sur, ipinag-utos ni PBBM

Bukod sa problemang dulot ng pagbaha, ay pinatutugunan din ng Pangulo ang ilang pinsala na dala ng nagdaang lindol na tumama sa Agusan del Sur.

Ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng structural assessment sa gusali ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Agusan del Sur, na nasira ng malakas na lindol.

Sa parehong situation briefing, sinabi ni Pangulong Marcos kay DPWH Secretary Manuel Bonoan na dapat tingnan ang PAGASA building kung saan nakaimbak ang Doppler radar, dahil ito aniya ay nagsisilbing mahalagang instrumento sa weather forecasting sa rehiyon.

“Have a look at it kasi very important ‘yan for the forecasting. Para at least may warnings tayo when these things happen. Mayroon tayong warning na may parating na heavy rains, low pressure area,” ayon pa kay Pangulong Marcos.

Inutusan din ni Pangulong Marcos si Secretary Bonoan na mahigpit na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan tungkol sa suliraning ito.

Tiniyak naman ng DPWH Chief sa Pangulo ang agarang pagtugon sa pagsasaayos ng PAGASA building.

Kaugnay rito, naipaalam na rin ang naturang isyu kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr.

Samantala, pagkatapos ng briefing, personal na pinangunahan ng Pangulo ang pamamahagi ng mga tseke, na nagkakahalaga ng kabuuang P120-M para suportahan ang mga apektadong lalawigan para sa kanilang recovery at reconstruction efforts.

Ito ang halaga ng financial assistance na ipinagkaloob sa mga lalawigan na naapektuhan ng LPA at paglindol:

Agusan del Sur – P 40-M

Agusan del Norte – P 15-M

Surigao del Sur – P 35-M

Surigao del Norte – P 10-M

Butuan City – P 20-M

Total – P 120-M

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble