PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdiriwang ng ika-159 na anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio.
Ginanap ang nasabing okasyon sa Bonifacio Monument sa lungsod ng Caloocan, umaga ng Miyerkules.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na ipinagdiriwang ang araw na ito upang gunitain ang mga kontribusyon ni Andres Bonifacio sa paghubog sa pagkakalilanlan bilang mga Pilipino.
Saad ng Punong Ehekutibo, ang kanyang pangalan ay mananatiling nakaukit sa kasaysayan kailanman.
Hindi lamang aniya dahil sa kanyang pamumuno sa rebolusyon, kundi sa kanyang hindi matatawarang tapang at pagmamahal sa bayan.
Kaya naman, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino na gayahin at sikaping maging pinakamahusay na Pilipino, na ang katapatan at pagmamahal sa bayan ay kaparis ng mga bayani tulad ni Gat Andres.
“Kayat hinikayat ko ang aking mga kapwang Pilipino na patuloy na pangaralan si Bonifacio at ang lahat ng mga bayaning Pilipino kilala man o hindi na nag-alay ng kanilang buhay upang matiyak ang kalayaan at pagkakakilanlan na siyang pinagmamalaki natin ngayon,” mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Inilahad pa ni Pangulong Marcos na tunay rin aniya na katangi-tangi ang ipinamalas na katapangan ni Andres Bonifacio.
Ito aniya ay isang uri ng tapang na hindi sumusuko kahit sa gitna ng panganib, matiyak lamang ang interes ng bayan at ng bawat mamamayang Pilipino.
Kasabay nito, pinasalamantan ni Pangulong Marcos ang lokal na pamahalaan ng Caloocan sa pangunguna ng naturang okasyon.
Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, ang pagsariwa sa alaala ni Gat Andres at ng iba pang mga bayani ay mahalaga.
Ito’y upang pagyamanin ang pagpapahalaga at pag-unawa sa kasaysayan ng bansa na siyang nagsisilbing gabay tungo sa mas magandang kinabukasan.
Mga doktor, nurse, sundalo, pulis, OFWs, tinawag ni PBBM na makabagong bayani
Samantala, tinawag naman ni Pangulong Marcos ang mga doktor, nurse, sundalo, pulis, Overseas Filipino Workers o OFWs, maging ang ordinaryong mamamayan na makabagong bayani.
Ito’y dahil buong pusong naglilingkod ang mga ito para sa kapwa.
“Pinapakita nila na ang bawat isa sa atin ay may angking kakayahan na makagawa ng kabutihan sa ating lipunan at pamayanan. Ito ay isa sa mahahalagang pamanang iniwan ni Gat Andres sa atin na ang bawat isa ay maaaring maging bayani sa ating sariling pamamaraan,” dagdag pa ng Pangulo.
Hinikayat din ng Pangulo ang lahat na sama-samang harapin ang mga hamon ng panahon ngayon na may pagmamahal sa bayan, may determinasyon, tapang at karangalan.
“Habang patuloy tayong nakikibaka sa mga hamon ng modernong panahon naway maging halimbawa si Bonifacio at ang ating mga bayani noon at ngayon upang magtagumpay tayo sa ating mga hangarin,” dagdag pa ng Pangulong Marcos.
PBBM, pinangunahan ang pagdiriwang ng 159th Bonifacio Day sa Caloocan
Pasado alas otso ng umaga ng Miyerkules, nagsimula ang programa na inumpisahan sa isang Flag Raising Ceremony.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang Wreath Laying Ceremony sa Bonifacio Monument.
Nasa event din sina House Speaker Martin Romualdez, National Historical Commission of the Philippines Chairperson Rene Escalante, Armed Forces Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro, Philippine Air Force Commanding General LtGen. Connor David Canlas, Philippine National Police Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., Caloocan Rep. Oscar Malapitan, Caloocan City Mayor Dale Gonzalo Malapitan, mga miyembro ng Diplomatic Corps, Senator Sherwin Gatchalian, Senator Robin Padilla, at iba pa.
Samantala sa panayam ng media, nagpahayag din ng maikling mensahe si Senator Padilla kaugnay ng pagdiriwang ng Bonifacio Day.
Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang, “Araw ni Bonifacio 2022: Kabayanihan at Pagtindig sa Makabagong Panahon.”