PBBM, inatasan ang DILG na tukuyin ang ‘political hotspots’ kasunod ng pagpatay kay NegOr Gov. Degamo

PBBM, inatasan ang DILG na tukuyin ang ‘political hotspots’ kasunod ng pagpatay kay NegOr Gov. Degamo

INIUTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. nitong Lunes sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na tukuyin ang “political hotspots” sa bansa.

Ito’y kasunod ng mga kamakailang pag-atake na nagta-target sa mga elective local government officials at ang pinakahuli ay ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag sa isang media interview pagkatapos ng   ceremonial signing ng memorandum of agreement (MOA) sa Kapatid Angat Lahat for Agriculture Program (KALAP) sa Malacañang nitong Marso 6.

Iniutos ni Pangulong Marcos kay DILG Secretary Benhur Abalos, Jr. na gumawa ng eksaminasyon sa nangyari kahalintulad ng mga ginagawa kapag kasagsagan ng eleksiyon.

Kasama sa iniatas ng Pangulo ang pagtukoy sa pinagmumulan ng illegal firearms.

“Actually, sinabi ko sa ating Secretary Abalos and PNP is to now make an examination kagaya yung ating ginagawa kapag darating ang eleksyon kung saan ang hotspot. Sabi ko gawin niyo uli ngayon. Don’t think of the election first. But think kung ano yung mga hotspot na mainit na mga lugar at tingnan natin,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Ang usual naman talaga na dapat gawin diyan ay hanapin ang illegal na firearms. Basta kakaunti ang illegal firearms, kakaunti ang ganyang klaseng krimen. Yung mga private army na ganyan, kailangan talaga i-dismantle lahat ‘yan,” ayon pa sa Pangulo.

Inihayag pa ng Punong Ehekutibo na maayos ang takbo ngayon ng imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Gov. Degamo.

Kasabay niyo, tiniyak ni Pangulong Marcos sa publiko na talagang mapaparusahan ang mga suspek.

Lalo’t marami aniyang nakukuhang impormasyon ang mga awtoridad kaya siguradong mabilis ang paghuli sa mga suspek.

“Sa ngayon meron pa rin tayong in hot pursuit. Basta’t sinara nila yung isang area and they’re conducting what they refer to as ‘drag net’ kung saan dahan-dahan, kung meron pa, ay iniipit sa isang lugar. So that’s what’s happening now. Again, the killing of Governor Degamo is entirely unacceptable and it will not stand. This cannot go unpunished,” dagdag ng Pangulo.

Nauna nang sinabi ng PNP na papalapit na sila sa pagtukoy sa mga nasa likod ng pag-atake na nagresulta sa pagkamatay ni Degamo at walong iba pa.

Inilahad ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na apat na suspek ang nagpahayag ng pagpayag na makipagtulungan sa mga imbestigador.

Una na ring naglabas na ng pahayag ng pagkondena si Pangulong Marcos, kaugnay sa assassination sa nakaupong gobernador ng Negros Oriental.

Samantala, sinabi rin ni Pangulong Marcos na marahil politika ang dahilan ng pamamaslang kay Gov. Degamo.

“Actually, if you think of the three cases that came in, iba-iba talaga. But then they started to become political. Yung dalawa, yung first two of the three, actually baka hindi political. Basta. But the other, ito this is purely political,” ani Pangulong Marcos.

Tahasang sinabi ng Pangulo na hindi magpapahinga ang kanyang administrasyon hangga’t hindi matatagpuan lahat ang sinumang nasa likod ng pagpaslang sa gobernador at maipagkaloob ang hustisya para dito.

Follow SMNI NEWS in Twitter