NAGBIGAY ng direktiba si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (PBBM) sa Philippine Statistics Authority (PSA) na i-fast-track ang pag-imprenta ng digital version ng Philippine Identification System (PhilSys) ID.
Ang naturang kautusan ay matapos ang pulong ni PBBM kasama si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan at ang PSA officials araw ng Martes.
Ayon kay PBBM, nais niyang makapag-print out na ng maraming PhilSys digital ID, saka isunod ang physical ID sa lalong madaling panahon.
Napag usapan naman sa meeting ang kapasidad ng pag-imprenta kung saan kabilang sa mga isyung naungkat ang late na pag umpisa ng ‘flow of data’.
Sa kabila nito, naiulat sa Punong Ehekutibo na naayos na ang daloy ng datos mula PSA patungo sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sinabi ni PSA Undersecretary Dennis Mapa na patuloy itong nakikipagtulungan sa BSP para mas mapabilis at mapalakas pa ang volume ng produksyon at pag-imprenta ng Phil ID.
Nauna nang tinukoy ng PSA head ang pagdagsa ng mga nagparehistro sa PhilSys na dahilan sa pagkaantala sa pag-imprenta ng mga national ID card.
Noong Oktubre, sinimulan ng PSA ang pagpapatupad ng printed digital version ng Phil ID.
Sa pamamagitan ng printed Phil ID, agad na magagamit ng mga rehistradong indibidwal ang mga benepisyong dala ng PhilSys.
Ito ay tulad na lamang ng mas mabilis at tuluy-tuloy na mga transaksyon sa pag-access sa financial at social protection services, na nagre-require ng proof of identity at subject to authentication ayon sa PSA.