ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. si dating Sultan Kudarat Governor Suharto Mangudadatu bilang Director General ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Inanunsiyo ito ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Hunyo 6, 2023.
Saad pa ng PCO, may notable career na sa serbisyo publiko si Mangudadatu kabilang ang kaniyang tungkulin bilang kinatawan ng Lone District (2004-07) at First District (2016-19) ng Sultan Kudarat.
Mula Hulyo 1998 hanggang Hunyo 2004, siya ang municipal mayor ng bayan ng Lutayan.
Ang kakayahan at dedikasyon ng pamumuno ni Mangudadatu sa serbisyo publiko ay naghatid sa kaniya tungo sa pagkakahalal bilang Provincial Governor ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sultan Kudarat.
Unang hinawakan ni Mangudadatu ang pagka-Gobernador mula Hulyo 2007 hanggang Hunyo 2016 at muli namang nahalal sa nasabing posisyon at nagsilbi sa ikalawang termino mula Hulyo 2019 hanggang Hunyo 2022.
Pinagkalooban naman si Mangudadatu ng honorary Doctor of Philosophy degree mula sa Sultan Kudarat State University bilang pagkilala sa kaniyang namumukod-tanging mga tagumpay sa kaniyang larangan at sa huwarang paglilingkod sa kapwa.
Si Mangudadatu ang humalili kay Danilo Cruz, na itinalaga ni Pangulong Marcos sa parehong posisyon noong Hulyo ng nakaraang taon.