NAGBIGAY-pugay si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. nitong Huwebes sa mga nasawing sundalong Amerikano sa pagbisita sa Arlington National Cemetery malapit sa Washington.
Dinaluhan ni Pangulong Marcos ang isang wreath-laying ceremony sa Tomb of the Unknown Soldier.
Binigyang-halaga ng Punong-Ehekutibo ang pag-alala at paggalang sa magigiting na sundalong Amerikano na nagbuwis ng kanilang buhay sa paglilingkod sa kanilang bansa.
Saad ni Pangulong Marcos, ang kabayanihan ng mga ito ay patuloy na nagbibigay inspirasyon upang magsikap para sa kapayapaan.
Binigyan din ng tour ang Pangulo sa museo sa kaniyang pagbisita sa lugar.
Kasama ni Pangulong Marcos sa Arlington Cemetery si Speaker Ferdinand Martin Romualdez; Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo; Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez; National Security Adviser Eduardo Año, at Special Assistant to the President Secretary Antonio Lagdameo, Jr.
Ang Arlington National Cemetery ay nagsisilbing huling pahingahan para sa marami sa mga bayani ng Amerika, kabilang ang higit sa 300,000 na nakibahagi sa bawat armadong labanan, mula sa Rebolusyonaryong Digmaan hanggang sa pagsalakay sa Iraq at Afghanistan.
Ang pagbisita ng Punong Ehekutibo sa pinakasikat na sementeryo sa Estados Unidos ay kasunod ng ilang mataas na antas na mga diyalogo noong nakaraang linggo, na kinabibilangan ng kaniyang mga pagpupulong kay US President Joseph Biden at US Vice President Kamala Harris.
Nakipagpulong din ang Pangulo sa mga miyembro ng US Senate noong Miyerkules kung saan tinalakay nila ang malawak na hanay ng mga isyu na kinabibilangan ng seguridad, depensa, agrikultura, at climate change mitigation, economic cooperation at cyber security.