NAGTALAGA si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng mga officer-in-charge ng bagong likhang mga lalawigan ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Nagsagawa ng oath-taking ceremony sa Malacañang, nitong araw ng Miyerkules ang mga bagong talagang opisyal ng Maguindanao sa harap ni Pangulong Marcos.
Itinalaga nitong Martes sina Abdulraof Macacua at Bai Mariam Mangudadatu bilang mga officer-in-charge ng mga bagong likhang lalawigan ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Si Macacua lamang ang nanumpa bilang Maguindanao del Norte OIC.
Pinili ng Pangulo si Macacua bilang OIC habang i-oorganisa ang lugar sa isang newly created province ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Mga bagong OIC sa Maguindanao, inatasan ni PBBM na panatilihin ang kapayapaan
Bilang OIC, si Macacua ay inatasan ni Pangulong Marcos na panatilihin ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon para sa pag-unlad ng lugar at ng mga nasasakupan nito.
Kasabay ng pagkatalaga ng OIC sa Maguindanao del Norte, nagpahayag ang administrasyong Marcos ng katiyakan na ang lalawigan ay may isang mahusay at competent leader.
Ito’y habang nasa ilalim pa rin ng Punong Ehekutibo ang pamamahala at patnubay ng naturang rehiyon.
Bukod sa mga appointment ni Macacua at Mangudadatu, pinili rin ng Pangulo si Bai Fatima Ainee Limbona Sinsuat bilang OIC ng Office of the Vice-Governor ng Maguindanao del Norte.
Inappoint din si Datu Nathaniel Sangacala Midtimbang bilang OIC ng Office of the Vice Governor ng Manguindanao del Sur.
Sa ngayon, hindi pa nakapanumpa sa posisyon sina Sinsuat at Midtimbang.
Nauna nang nanawagan ang mga local chief executive sa Maguindanao del Norte kay Pangulong Marcos na magtalaga ng OIC sa bagong likhang lalawigan.
Ito’y upang matuldukan ang patuloy na krisis na anila ay lumikha ng kalituhan sa mga empleyado at residente ng probinsiya.
Saad ng local chief executive sa Maguindanao, ang paglalagay ng isang OIC o isang acting governor ay magwawakas sa kalituhan sa mga lokal na pinuno at residente, na nag-iisip kung kanino kukuha ng mga utos at kung kanino mag-uulat sa ilang buwan pagkatapos isagawa ang plebisito.
Noong Mayo 2021, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang isang panukalang batas na naglalayong hatiin ang Maguindanao, na bahagi ng BARMM sa dalawang lalawigan.
Ang Republic Act No. (RA) 11550, na nilagdaan ni Duterte, ay hinati ang lalawigan ng Maguindanao sa dalawang natatangi at independiyenteng mga lalawigan na kilala bilang Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Ang Maguindanao del Norte ay binubuo ng mga munisipalidad ng Barira, Buldon, Datu Blah Sinsuat, Datu Odin Sinsuat, Kabuntalan, Matanog, Northern Kabuntalan, Parang, North Upi, Sultan Kudarat, Sultan Mastura, at Talitay.
Ang Datu Odin Sinsuat ay ang capital town at seat of government ng Maguindanao del Norte.
Samantala, ang Maguindanao del Sur naman ay binubuo ng mga munisipalidad gaya ng Ampatuan, Buluan, Datu Abdulla Sangki, Datu Anggal Midtimbang, Datu Hoffer Ampatuan, Datu Montawal, Datu Paglas, Datu Piang, Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, Datu Unsay, Gen. Salipada K. Pendatun, Guindulungan, Mamasapano, Mangudadatu , Pagalungan, Paglat, Pandag, Rajah Buayan, Sharif Aguak, Sharif Saydona Mustafa, Sultan sa Barongis, Talayan, at South Upi.
Ang capital town at seat of government nito ay ang Buluan.
Ang parehong mga lalawigan ay magkakaroon ng corporate at general powers na kinabibilangan ng pagkakaroon ng common seal at pagkakaroon ng kapangyarihang lumikha ng sources of revenue nito.
Gayundin ang magpataw ng mga buwis, bayarin, at singil bukod sa iba pa.
Ayon pa sa census noong 2015, ang Maguindanao ay may populasyon na mahigit 1.1 million o 1,173,933.