PATULOY ang pakikipag-koordinasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilang ahensya ng pamahalaan kaugnay ng nangyaring lindol sa Abra nitong Martes ng gabi.
Ayon kay Pangulong Marcos, nakikipag-ugnayan siya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pag-inspeksyon ng mga kalsada at mga gusali, pati na rin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa relief operation sa apektadong lugar.
Bukod dito, may koordinasyon na rin ang Punong Ehekutibo sa Department of Energy (DOE) para sa power outages at sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para naman sa monitoring sa sitwasyon sa lugar.
Ang naturang mga hakbang ay sa gitna ng nangyayaring aftershocks na dala ng magnitude 6.4 earthquake na tumama sa Abra.
Pinayuhan naman ni Pangulong Marcos ang lahat na umiwas sa matataas na istruktura.