HINIMOK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Department of National Defense (DND) at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsagawa ng estratehikong pagsusuri at i-maximize ang deployment ng puwersa.
Ito’y upang matiyak na ang mga estratehiya ay mananatiling naaayon sa kasalukuyan at hinaharap na geopolitical realities.
Nabanggit ito ni Pangulong Marcos sa kaniyang pagdalo sa ika-67 Founding Anniversary ng Naval Special Operations Command (NAVSOCOM) sa Sangley Point, Cavite nitong Lunes, Nobyembre 6.
“As we move now from focusing on ensuring internal security for the country, we now have to bolster the country’s external defenses. And I exhort the DND and the AFP to maximize and strategically review the deployment of our forces to ensure that their strategies remain responsive to the current and future geopolitical realities,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Hinikayat din ng Pangulo ang Navy na palakasin ang mga kakayahan ng yunit sa pamamagitan ng pakikipagsosyo sa mga puwersa mula sa mga estadong may kaparehong pag-iisip tungo sa pagtataguyod ng shared commitment sa kalayaan sa paglalayag, kapayapaan at katatagan, at rule of law.
Ang NAVSOCOM ay dalubhasa sa mga operasyon sa dagat, himpapawid, at lupa mula noong 1956, at naging instrumento sa iba’t ibang operasyon kontra-terorismo, reconnaissance, close combat, demolition, intelligence, at undersea operations.
NAVSOCOM, patuloy na pinapalakas sa ilalim ng Revised AFP Modernization Program—PBBM
Tiniyak ng commander-in-chief na nananatiling nakatuon ang administrasyon sa pagpapalakas ng mga kakayahan ng NAVSOCOM sa pamamagitan ng mga acquisition sa ilalim ng Revised AFP Modernization Program.
Susuportahan din ng administrasyon ang yunit sa pagpapatupad ng mga programang magpauunlad ng kaalaman at kasanayan ng mga tauhan.
“We will likewise support you in implementing programs to enhance your knowledge and skill as well as ensure your welfare and equally important your family’s well-being,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Pinuri naman ni Pangulong Marcos ang NAVSOCOM sa pagganap nito, lalo na sa pamamagitan ng pagsasagawa ng malawakang pagsasanay at operasyon kontra-terorismo laban sa mga teroristang grupo at iba pang lawless elements.
Partikular ani Pangulong Marcos ang mga rescue mission na lubos na sumuporta sa internal security efforts ng AFP lalo na sa katimugang bahagi ng Pilipinas.
Ang NAVSOCOM na isang elite unit ng Philippine Navy ay nag-ambag din sa pagsisikap ng gobyerno na pigilan ang smuggling at iba pang ilegal na aktibidad sa dagat habang binabantayan ng mga awtoridad ang malawak na littoral area ng bansa.
“More impressive still, through it all, you have embodied grit, fortitude, and courage in ensuring peace, order, and progress in the country. For your commitment to serve and to safeguard the Filipino people, I express my deep and heartfelt gratitude,” ani Pangulong Marcos.
PBBM, kinilala ang mahahalagang kontribusyon ng NAVSOCOM sa pambansang seguridad at kapayapaan
Binigyang halaga ng Punong Ehekutibo ang mahahalagang kontribusyon ng NAVSOCOM sa pambansang seguridad at kapayapaan.
Kinilala ng Pangulo ang NAVSOCOM awardees para sa kanilang mahusay na pagganap at makabuluhang kontribusyon sa Navy.
Hinimok naman ni Pangulong Marcos ang mga ito na patuloy na hasain ang kanilang mga kakayahan at magsilbi bilang mga huwaran hindi lamang bilang mga tauhan ng NAVSOCOM kundi bilang mga public servant.