HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga malalaking negosyo at iba pang stakeholders na suportahan ang pagsisikap ng national government na i-level up ang Micro, Small And Medium Enterprises (MSMEs) at ang tinatawag na nano enterprises sa bansa.
Ginawa ng Pangulo ang panawagan sa gitna ng paglunsad ng ‘Kanegosyo Center’ ng Cebuana Lhuillier group of companies nitong Huwebes sa Palacio de Memoria sa Roxas Boulevard sa Parañaque City.
Ayon sa Punong Ehekutibo, kinakailangan ng mga makabagong pamamaraan sa pagpalalago ng ekonomiya dahil sa epekto ng pandemya.
Aniya, malaki ang maitutulong dito ng MSME at nano business sector na bumubuo sa 99% ng mga negosyo sa bansa at 63% naman ng trabaho ay nanggaling dito.
“You can be assured that we are working together very closely down the same direction, you in the private sector, and us in the government, helping one another so that we can transform this economy so as to be able to be competitive worldwide and find ourselves as an investment destination, as a thriving economy with a stable situation in our country,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos. Jr.
Nirekognisa naman ng Punong Ehekutibo ang magandang katangian ng mga Pilipino pagdating sa trabaho, kahit na binibigyan ng tulong-pinansiyal ng gobyerno.
“The good basis that we have here in the Philippines is kakaunti lang talaga ang tamad na Pilipino. Karamihan ng Pilipino gustong magtrabaho. Kahit na binibigyan natin ng AICS, kahit binibigyan natin ng TUPAD, kahit binibigyan natin ng ayuda at some point ang Pinoy sasabihin, “Okay, maraming salamat. Nakatulong ‘yan pero gusto kong magtrabaho,” ayon sa Pangulo.
Samantala, personal na pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang mga tagapagtaguyod sa likod ng ‘Kanegosyo Center’.
Ito aniya ay isang simpleng negosyo ngunit nangangailangan ng mahusay na organisasyon at kaalaman tungkol sa merkado at kung paano makatutulong na mapabuti ang MSMEs at nano enterprises.
Ibinahagi ng Pangulo na nabuo ang ideya ng Kanegosyo Center (KNC) pagkatapos ng malawakang talakayan noong taong 2020, kay Philippine Ambassador to Spain Philippe Jones Lhuillier.
Napag-usapan nila kung paano makatutulong sa mga maliliit na negosyo sa Pilipinas.
Ang ‘Kanegosyo Center’ ay tuluyang naisakatuparan sa pamamagitan ni Jean Henri Lhuillier, Presidente at CEO ng PJ Lhuillier Group of Companies.
Samantala, sa launching ng Kanegosyo sa Parañaque, ay tiniyak naman ni Cebuana Lhuillier Senior Executive Vice President Andre Lhuillier ang suporta nito sa mga maliliit na negosyo.